Home NATIONWIDE Safe, madaling access sa edukasyon ng kabataan sa malalayong lugar ikakasa na

Safe, madaling access sa edukasyon ng kabataan sa malalayong lugar ikakasa na

170
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Bam Aquino ang isang panukalang batas na naglalayong mapabuti ang access sa edukasyon sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA), na makatutulong sa mga estudyante na makapasok nang ligtas at mas madali sa paaralan sa kani-kanilang komunidad.

Sa pahayag, sinabi ni Aquino na inihain nito ang Senate Bill No. 1937, o mas kilalanin bilang “An Act Institutionalizing Support for Public Basic Education Schools in Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) and Appropriating Funds Therefor

Ayon kay Aquino, layunin ng Senate Bill No. Senate Bill No. 1937, o “An Act Institutionalizing Support for Public Basic Education Schools in Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) and Appropriating Funds Therefor”, na isabatas ang “Last Mile Schools” program ng gobyerno.

“Ito pong last mile para sa atin sa Manila, kasi malayo para sa atin, pero ito iyong first mile para sa mga kabataan na nais matulungan. It’s their First Mile, ito ang kanilang komunidad, ito ang kanilang barangay. Dito po sila nakatira. So bakit nating tatawaging last mile. Kaya iniba namin ang pangalan, ginawa naming GIDA, but I want to underscore that change because we want to take away the mindset na malayo ito sa tulong, malayo ito sa suporta, malayo ito sa pondo. Ito po dapat ang pinaka-inuuna,” paliwanag ni Aquino.

Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Aquino na makatutulong ang panukala upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta para sa mga mag-aaral, guro, at komunidad sa mga liblib na lugar kung saan nananatiling hamon ang pag-access sa de-kalidad na edukasyon.

Ayon kay Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, lumabas sa iba’t ibang konsultasyon na maraming mag-aaral sa malalayong komunidad ang dumadaan sa mahirap na paglalakbay upang makapasok lamang sa paaralan.

Binanggit din niya ang mga viral at trending na video kung saan makikitang kailangang lumangoy ng mga bata sa ilog, tumawid sa mga sirang tulay, umakyat ng bundok, o maglakad nang ilang oras bago makarating sa kanilang paaralan.

“Ayon sa ating mga konsultasyon, at batay na rin sa mga nagti-trending na viral videos, nakita natin na napakahirap pa rin ng buhay ng mga estudyante sa mga malalayong lugar. Mayroon pa ring pong mga estudyante na kailangang lumangoy sa ilog, tumawid sa mga sira-sirang tulay, at maglakad ng ilang oras bago makarating sa paaralan. Napapanood lang po natin iyan. Sila, nararanasan po nila iyan araw-araw,” wika ni Aquino.

Sinabi ni Aquino na nagpapatuloy ang mga hamon kahit makarating na ang mga mag-aaral sa paaralan, tulad ng kakulangan sa guro, mga sirang silid-aralan, at mga klase kung saan magkakasama sa iisang silid ang mga mag-aaral na nasa iba’t ibang antas. Limitado rin ang access ng mga mag-aaral sa mga lugar na ito sa learning materials, feeding programs, at psychological support services.

Isinusulong ng panukalang batas ang ilang reporma na layong mapabuti ang access sa edukasyon sa malalayong lugar, kabilang ang pagtatakda ng accessibility standards upang matiyak na ang mga paaralan ay nasa loob ng tatlong kilometro na walking distance mula sa mga komunidad.

“At kung hindi po iyon posible dahil sa geography ng isang GIDA, dapat mayroong ligtas at murang transportasyon para sa mga estudyante,” giit ni Aquino.

Itinatakda ng panukala ang pagtatayo ng sapat na mga silid-aralan at mas malapit na koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na may access ang mga paaralan sa kuryente at internet connectivity.

Naglalaan din ito ng suporta para sa mga gurong nakatalaga sa malalayong lugar, kabilang ang hazard pay, transportation at hardship allowances, pati na rin ang housing assistance o staff housing.

Sinabi ni Aquino na hinihikayat din ng panukala ang pagbibigay-priyoridad sa mga lokal na guro, dahil madalas ay mas pamilyar sila sa wika, kultura, at mga realidad ng mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.

Bilang bahagi ng whole-of-nation approach, magtutulungan ang Department of Education (DepEd), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Energy (DOE), at Department of Information and Communications Technology (DICT), kasama ang mga lokal na pamahalaan at civil society organizations, upang tugunan ang pangangailangan sa imprastraktura, kuryente, at connectivity ng mga paaralan sa malalayong lugar.

Inaatasan din ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na makipag-ugnayan sa DepEd upang matiyak ang proteksyon sa karapatan ng mga Indigenous Peoples at ang integrasyon ng mga culturally appropriate learning programs.

Kapag naisabatas, umaasa si Aquino na matitiyak ng panukala na ang bawat batang nakatira sa geographically isolated at disadvantaged areas ay magkakaroon ng access sa dekalidad na edukasyon na suportado ng sapat na pasilidad, mga dedikadong guro, at matibay na partisipasyon ng komunidad.

“This is a key step towards addressing our education crisis. We hope that with the passage of this measure, every child in GIDA or Geographically Isolated and Disadvantaged Areas will have access to quality education—supported by dedicated teachers, proper facilities, and the active involvement of their communities,” ani Aquino.

Nakakuha ng malakas na suporta ang panukala, kung saan tumayong co-sponsor sina Senators Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, Robin Padilla, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Kiko Pangilinan, Bong Go, Pia Cayetano, at Mark Villar.

Ginawa namang co-author sina Senador Raffy Tulfo, Mark Villar at Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri habang tumayo naman bilang co-author at co-sponsor sina Senador Estrada at Risa Hontiveros.

Bahagi ang panukalang ito ng mga pagkilos ng Committee on Basic Education upang tugunan ang learning crisis, tulad ng Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act at ng Curriculum Flexibility under the Enhanced Basic Education Act (Spiral Progression), at iba pa. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here