MANILA, Philippines – Dalawang bangkay ang natagpuan sa isang sunog na sasakyan sa Barangay Sinasajan, Peñaranda, Nueva Ecija nitong Lunes ng umaga.
Magkatabi sa harap ng sasakyan ang mga biktima na parehong may tama ng bala sa bandang leeg.
Nakatanggap ang mga awtoridad ng ulat na isang nasusunog na pulang Toyota Wigo na may plakang DAR-7847 ang nakaparada sa harap ng Leong Hup Farm sa Barangay Sinasajan.
Magkaibigan umano ang mga biktima na isang 33-anyos na negosyanteng babae at isang 44-anyos na rescue officer.
Ayon sa kaanak ng negosyante, magbebenta sana ito ng apartment building na nagkakahalagang P18 milyon.
Naihatid pa niya ang 9-taong gulang na anak sa paaralan saka dumiretso sa isasagawang transaksiyon.
“Birthday po ng pamangkin ko ngayon kaya (desidido) talaga na ma-close deal ng kapatid ko yung transaksiyon,” sabi ng kapatid ng babaeng biktima.
Sinasabing pinakiusapan lang ng babaeng biktima ang kasamang rescue officer para siya ay ipagmaneho at samahan sa transaksiyon.
“Parang magkakapatid na rin kami. Nataon lang siya. Kaya naaawa rin ako sa pamilya ng (isa pang) biktima. Hindi dapat siya ”yung sasama eh,” sabi pa ng kapatid ng negosyante.
Bago sinunog, binaril ang dalawang biktima sa bandang batok at tsaka inabandona sa liblib na lugar.
“Nadamay lang po siya. Hindi po katanggap-tanggap,” sabi ng tiyuhin ng lalaking biktima.
“Brutal yung pagkakagawa, parang walang kaluluwa, kaya napakahirap. Sana huwag na maulit sa iba.”
Ayon pa sa kaanak ng negosyante, posibleng may kinalaman ang dalawang buyer ng apartment sa krimen.
Sumakay pa umano ang mga ito sa sasakyan ng biktima.
“May initial motive po tayo na regarding po sa pera. However ibe-verify po natin after makuha yung suspects,” sabi ni PCapt. Vincent Taylor, officer-in-charge ng Peñaranda Municipal Police Station.
“Sigurado ‘yan may involved na money ‘yan kasi wala naman kaming alam na kagalit namin dito,” sabi ng kaanak ng negosyante.
Hustisya ang sigaw ng mga kaanak ng mga biktima.
“Sumuko na kayo. Pagbayaran niyo na ang kasalanan niyo na ginawa niyo sa kapatid ko,” sabi ng kaanak ng negosyante.
Tiniyak ng pulisya na tinututukan ang hot pursuit operation para mahuli ang mga suspek na tukoy na ang pagkakakilanlan.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong murder. Marina Bernardino-Sy