Home HOME BANNER STORY 4-day workweek kasado sa Marikina, Makati, Pasay

4-day workweek kasado sa Marikina, Makati, Pasay

154
0

MANILA, Philippines — Ipapatupad ng mga lokal na pamahalaan ng Marikina, Makati, at Pasay ang apat na araw na workweek bilang bahagi ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dulot ng sigalot sa Middle East.

Sa Marikina, nilagdaan ni Mayor Maan Teodoro ang Executive Order No. 05, Series of 2026, na nagtatakda ng bagong iskedyul ng trabaho ng mga tanggapan ng city government mula Lunes hanggang Huwebes, alas-8 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi, simula Marso 9. Layunin nitong makumpleto ng mga empleyado ang 40-oras na workweek habang nababawasan ang konsumo ng kuryente.

“Through the four-day workweek, we are contributing to the national effort to conserve energy,” ani Teodoro.

Nanatiling 100 porsyentong operational ang mga tanggapang nagbibigay ng mahahalagang serbisyo tulad ng Disaster Risk Reduction and Management Office, street maintenance teams, at public safety units.

Sa Makati, sinabi ni Mayor Nancy Binay na pansamantalang ipatutupad ang four-day onsite workweek sa City Hall mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi, Lunes hanggang Huwebes, simula Marso 16.

Ang hakbang ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 114 ng Office of the President, na nag-uutos sa mga ahensya ng pamahalaan na magpatupad ng mga hakbang sa energy conservation, kabilang ang apat na araw na onsite work arrangement.

“We support the national government’s initiative to promote energy conservation across government offices. At the same time, we want to make sure that vital services remain accessible to our constituents,” ani Binay.

Samantala, sinimulan na rin ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang pagpapatupad ng compressed workweek para sa mga empleyado ng City Hall simula Marso 9.

Sa ilalim ng Executive Order No. 12, Series of 2026 na inilabas ni Mayor Emi Calixto-Rubiano, papasok ang mga empleyado Lunes hanggang Huwebes mula alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

Ayon kay Calixto-Rubiano, layunin ng hakbang na suportahan ang direktiba ng pambansang pamahalaan sa pagtitipid ng enerhiya habang patuloy ang pagbibigay ng serbisyo publiko sa mga residente.

Ang mga tanggapan na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa Pasay ay mananatiling bukas Lunes hanggang Biyernes mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo.

Tiniyak naman ng mga opisyal ng lungsod na ang pansamantalang compressed workweek ay hindi makaaapekto sa mga kritikal na serbisyo na ibinibigay sa mga residente. RNT/James Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here