MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na maaaring umabot sa 7.5% ang inflation kung lalala at tatagal ang sigalot na kinasasangkutan ng United States, Israel, at Iran sa Middle East.
Sa briefing sa mga miyembro ng House of Representatives, inilahad ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan ang dalawang posibleng senaryo batay sa galaw ng pandaigdigang presyo ng langis.
Sa unang senaryo, maaaring umabot sa $100 kada bariles ang presyo ng krudo sa Marso at manatiling lampas $80 kada bariles hanggang Mayo. Sa ganitong sitwasyon, maaaring pumalo ang inflation sa 4.5% hanggang 5.1% sa Marso, bahagyang bababa sa 4.5% hanggang 4.8% sa Abril, at aabot sa average na 4% hanggang 4.2% sa 2026, bago bumagal sa 3.5% hanggang 3.6% sa 2027.
Sa ikalawa at mas matinding senaryo, inaasahang aabot sa $140 kada bariles ang presyo ng krudo at mananatiling lampas $80 kada bariles hanggang Setyembre. Sa ganitong kalagayan, maaaring umakyat ang inflation sa 6.3% hanggang 7.5% sa Marso at 6.4% hanggang 7.5% sa Abril, na may average na 4.5% hanggang 4.8% sa buong 2026 bago bumaba sa 3.6% hanggang 3.7% sa susunod na taon.
Ayon kay Balisacan, posibleng lumampas ang inflation sa target range ng pamahalaan na 2% hanggang 4% dahil sa pagtaas ng presyo ng petrolyo, iba pang non-food commodities, at pagkain.
Bago sumiklab ang tensyon sa Middle East, inaasahan ng DEPDev na aabot lamang sa 3.6% ang inflation sa 2026 at 3.2% sa 2027.
Sa mas matinding senaryo, maaaring tumaas ng 62% ang presyo ng diesel sa Marso hanggang P96.76 kada litro, mula sa baseline estimate na P59.68, habang ang gasolina ay maaaring tumaas ng 52% hanggang P88.79 kada litro mula sa P58.53.
Ngayong linggo, inaasahang tataas ang presyo ng gasolina ng P7.00 hanggang P13.00 kada litro, diesel ng P17.50 hanggang P24.25, at kerosene ng P32.00 hanggang P38.50.
Ang pagtaas ng presyo ay dulot ng pagsasara ng Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pagbiyahe ng langis sa pagitan ng Iran at Oman, dahil sa patuloy na sigalot. Ang rutang ito ang nag-uugnay sa mga pangunahing oil producer tulad ng Saudi Arabia, Iran, Iraq, at United Arab Emirates sa Gulf of Oman at Arabian Sea.
Nagbabala rin si Balisacan na maaaring maapektuhan ang remittances kung ipatutupad ang deployment ban at repatriation ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Middle East.
Sa unang senaryo, kung magkakaroon ng deployment ban at 10% repatriation mula sa mga bansang apektado ng sigalot, maaaring mabawasan ang bilang ng OFWs ng 551,897 at bumaba ang remittances ng P226.568 bilyon.
Sa mas matinding senaryo na kasama ang repatriation mula sa mga karatig-bansa tulad ng Egypt, Lebanon, Palestine, Syria, at Yemen, maaaring umabot sa 556,883 ang mababawas sa OFW population at bumaba ang remittances ng P231.777 bilyon kumpara sa antas noong 2025.
Ayon pa kay Balisacan, ang pagbaba ng purchasing power dahil sa mataas na inflation at mas mababang remittances ay maaaring magpabagal sa economic growth ng bansa sa 2026 ng 0.20 percentage points sa unang senaryo at 0.30 percentage points sa ikalawang senaryo.
Iminungkahi niya ang ilang hakbang upang mabawasan ang epekto nito, kabilang ang pagsuspinde ng excise tax sa petrolyo, pagbibigay ng safety net para sa mga pinakaapektadong sektor, staggered price adjustments, pagpapalawak ng paggamit ng bioethanol, energy conservation programs, at sa pangmatagalan ay pagbawas ng pagdepende sa imported fuel sa pamamagitan ng renewable energy at pagpapabilis ng permit para sa nuclear power projects.
Nauna nang tinaya ng DEPDev na ang pagsuspinde ng excise tax sa petrolyo ay maaaring magpababa ng presyo ng diesel ng P6 kada litro at gasolina ng P10 kada litro. Samantala, inaprubahan na ng House ways and means committee ang substitute bill na magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspindihin o bawasan ang excise tax sa fuel. Santi Celario