MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nananatiling “in good shape” o maayos umano ang suplay ng langis ng Pilipinas sa kabila ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa pakikipag-usap sa Philippine media sa New York City, sinabi ni Marcos na may sapat na imbentaryo ng langis sa bansa at may mga karagdagang suplay na nasa biyahe na papasok sa Pilipinas. Tiniyak din niyang sinuri ng pamahalaan kung daraan sa mapanganib na lugar ang mga suplay ngunit lumabas na hindi naman.
“Well, first of all, the – we are still… As we explained, I explained the first time I met with you, in terms of supply, we are in good shape. And not only do we have inventory in the Philippines, we also are awaiting some supplies coming in that are in transit,” ani Marcos.
“Ang pinaaral ko lang, kung ‘yung mga in transit baka naman nandoon sila sa lugar ng peligro. So, para maging accurate ‘yung kalkulasyon natin pero hindi naman daw. ‘Yung pagsara ng Strait of Hormuz, hindi kasama doon sa kalkulasyon so far. So, that – so in terms of supply…but you know, that doesn’t mean that we’re not doing anything,” dagdag niya.
Ayon pa sa Pangulo, naghahanap na rin ang pamahalaan ng iba pang bansang posibleng mapagkunan ng suplay ng langis at nakikipag-usap na sa ilang bansa na hindi karaniwang pinagbibilhan ng Pilipinas ng petroleum products.
Samantala, inaprubahan ng House ways and means committee ang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na bawasan o pansamantalang suspindihin ang excise tax sa fuel nang hanggang anim na buwan, kung lalampas sa $80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan.
Nauna nang sinabi ng Department of Energy na posibleng tumaas ang presyo ng langis ng P17 hanggang P24 kada litro ngayong linggo, ngunit ipatutupad ito nang paunti-unti sa loob ng pitong araw, ayon kay Energy Secretary Sharon Garin. RNT