MANILA, Philippines – Nanawagan si Sara Duterte sa publiko na manatiling mapagmatyag kasabay ng paggunita sa unang anibersaryo ng pagkakaaresto sa dating pangulong si Rodrigo Duterte.
Sa isang video message, sinabi ni Duterte na paalala ang pagkakaaresto sa kanyang ama na hindi dapat gamitin ang batas para sa pampulitika o personal na interes.
“Ang anibersaryong ito ay isang panawagan para sa ating lahat na manatiling mapagmatyag. Kailangang manatiling malaya, tapat, at matatag ang ating mga institusyon laban sa anumang pagsubok na baluktutin ang hustisya,” pahayag ni Sara Duterte.
“Ang pagyurak sa karapatan ng isang indibidwal sa pamamagitan ng mga iregular na proseso ay hindi lamang pag-atake sa katarungan; ito ay hamon sa ating pambansang soberanya.”
Ayon pa sa bise presidente, walang Pilipino ang dapat pagkaitan ng due process at proteksiyon ng Konstitusyon.
“Ang isang tunay na malayang bansa ay pinapatakbo ng sariling mga institusyon na malaya mula sa anumang panlabas na panghihimasok o dikta,” dagdag ni VP Sara.
“Sama-sama nating itaguyod ang isang Pilipinas kung saan ang batas ay kalasag ng katarungan at ang ating soberanya ay iginagalang ng lahat.”
Inaresto si Rodrigo Duterte sa Pilipinas noong Marso 11, 2025 batay sa warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court.
Sa kasalukuyan ay nakakulong siya sa The Hague, Netherlands, kaugnay ng kasong crimes against humanity dahil sa umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga. Tinatayang 6,000 katao ang nasawi batay sa tala ng pulisya, habang sinasabi ng human rights groups na maaaring umabot sa 30,000 ang bilang, kabilang ang mga pinaslang ng vigilante groups. Santi Celario