MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Imee Marcos sa sangay ehekutibo na ilantad ang “buong katotohanan” kaugnay ng pag-aresto sa dating pangulo na si Rodrigo Duterte noong nakaraang taon.
Inihain ni Marcos ang Senate Resolution No. 340 na humihiling ng paglilinaw sa mga detalye ng pag-aresto kay Duterte noong Marso 11 noong nakaraang taon, kabilang ang umano’y koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa International Criminal Court.
“Isang taon nang palaisipan ang nangyaring paglapastangan sa karapatan ng ating kapwa Pilipino,” ani Marcos.
“Dapat ilantad na ang buong katotohanan at panagutin ang mga lumabag sa ating konstitusyon,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ng senador na mahalagang mabunyag kung may mga ahensya ng pamahalaan na nakipagtulungan sa ICC sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.
“Hindi nagtutugma ang kwento ng pamahalaan—malinaw na may nagsisinungaling,” ani Marcos.
“Paulit-ulit sinasabi na wala nang ugnayan at hindi na makikipagtulungan ang Pilipinas sa ICC, pero inamin din na nakipag-usap si Remulla sa mga tauhan ng ICC,” dagdag pa niya.
Ayon kay Marcos, layunin din ng resolusyon na maibalik ang tiwala ng publiko sa sistema ng hustisya at matiyak na hindi mauulit ang mga hakbang na maaaring makompromiso ang soberanya ng bansa.
“Dapat walang Pilipinong matatakot sa sarili niyang gobyerno at magtatago sa dayuhan sa sarili niyang bansa,” aniya.
Sa ilalim ng resolusyon, hinihimok ang Executive Department na agad ilabas ang lahat ng komunikasyon at direktiba kaugnay ng pakikipag-ugnayan sa ICC, linawin ang opisyal na polisiya ng pamahalaan sa pakikipagtulungan sa naturang korte, panagutin ang mga opisyal na may kinalaman sa umano’y paglabag sa karapatan ni Duterte, magsagawa ng hakbang upang maibalik siya sa bansa, at iwasan ang paglabag sa hurisdiksyon ng hudikatura sa mga susunod na ICC arrest warrants. RNT