MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at si Vice President Sara Duterte laban sa mga scammer na nagpapanggap na mga opisyal ng pamahalaan upang makapanghingi ng pera o magpadala ng pekeng komunikasyon.
Sa isang pahayag nitong Martes, naglabas ng babala ang DILG tungkol sa isang umano’y scammer na gumagamit ng pangalan at larawan ni Interior Secretary Jonvic Remulla upang humingi ng financial assistance mula sa ilang opisyal ng pamahalaan para umano sa isang foundation na naapektuhan ng sunog sa Bocaue, Bulacan.
“We wish to make it clear that these calls did not originate from Secretary Remulla or from any office of the DILG. The Secretary does not solicit financial assistance,” ayon sa DILG.
Hinimok ng ahensya ang publiko at mga opisyal ng pamahalaan na huwag pansinin ang ganitong mga kahilingan at agad itong iulat sa mga awtoridad. Nakikipag-ugnayan na rin ang DILG sa mga law enforcement agency upang matukoy ang nasa likod ng panloloko.
Samantala, nagbabala rin si Vice President Sara Duterte laban sa mga pekeng email na nagpapanggap na mula sa kanya o sa kanyang tanggapan.
Inilabas ni Duterte ang babala matapos makatanggap ang Office of the Vice President (OVP) ng mga ulat tungkol sa mga indibidwal na nakatanggap ng email na gumagamit ng address na [email protected].
“I would like to clarify that this email address is not my personal account and is not connected to our office,” ani Duterte.
Pinayuhan niya ang publiko na maging mapagmatyag at huwag magbigay ng anumang sensitibong impormasyon o tumugon sa mga kahina-hinalang email.
Dagdag pa ng Bise Presidente na ang mga opisyal na komunikasyon mula sa kanyang tanggapan ay inilalabas lamang sa verified social media pages ng OVP at sa opisyal na email address na [email protected]. Santi Celario .