MANILA, Philippines – Kinakailangan munang magkasundo ang mga employer at manggagawa bago ipatupad ang compressed workweek arrangement, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay DOLE spokesperson at Assistant Secretary Lennard Serrano, mahalagang magkaroon ng pag-uusap sa pagitan ng management at mga empleyado upang matukoy kung aling mga trabaho ang maaaring isama sa naturang setup.
“Discussion between workers and employers [is important] because they know what kind of jobs can be included in this setup,” ani Serrano sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing.
“In the discussions of the arrangement, fair treatment, no discrimination as to who will be able to participate in the program or arrangement, is recognized. Wages, benefits and work performed should be equal and fair,” dagdag niya.
Ipinaliwanag ni Serrano na sa compressed workweek, ang karaniwang 40 oras na trabaho sa loob ng limang araw ay maaaring gawin sa loob lamang ng apat na araw, kaya posibleng lumampas sa 10 oras ang trabaho kada araw.
Binigyang-diin din niya na dapat tiyakin ng mga kumpanya ang kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa, depende sa uri ng industriya o establisimyento.
Sinabi ng DOLE na pinag-aaralan din ang iba pang alternatibong work arrangements tulad ng flexible schedules at telecommuting upang mabawasan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East. RNT