Home NATIONWIDE Speaker Dy bukas sa pagrepaso ng NTA sa LGUs

Speaker Dy bukas sa pagrepaso ng NTA sa LGUs

157
0

MANILA, Philippines – Pabor si Faustino Dy III sa panukalang repasuhin ang National Tax Allotment (NTA) framework at ilang probisyon ng Local Government Code of 1991 upang matulungan ang mga munisipyo na matugunan ang kanilang lumalaking responsibilidad sa pagbibigay-serbisyo sa publiko.

Sa talumpati niya sa general assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP), sinabi ni Dy na kinikilala ng House of Representatives of the Philippines ang panawagan ng mga mayor na i-update ang mahigit 30 taong gulang na batas tungkol sa lokal na pamamahala.

“Narinig po namin ang inyong boses at malinaw sa kapulungan ang inyong panawagan. Batay sa inyong sariling konsultasyon at survey, malinaw na malinaw na panahon na upang repasuhin at i-update ang ating 1991 Local Government Code,” ani Dy.

Ayon sa kanya, kailangang iakma ang batas sa mga pagbabago sa pamamahala, ekonomiya, at sa lumalawak na tungkulin ng mga local government units (LGUs).

Dagdag pa niya, mas naging mahalaga ang pagrepaso sa batas matapos ang desisyon ng Mandanas-Garcia ruling ng Supreme Court of the Philippines, na nagpalaki sa bahagi ng LGUs sa national taxes ngunit nagdagdag din sa kanilang responsibilidad sa serbisyo publiko.

“Sadyang mahalaga pong balikan natin at suriin ito, dahil pagkatapos ng Mandanas-Garcia ruling, mas lumaki po ang tungkulin ng mga lokal na pamahalaan sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan,” aniya.

Gayunman, sinabi ni Dy na maraming munisipyo ang nahihirapan pa rin dahil sa kakulangan ng resources kahit nadagdagan ang kanilang mga tungkulin.

“Subalit, ang katotohanan po ay dumagdag man ang responsibilidad, hindi ito nangangahulugang may pagdagdag sa ating mga resources o pinagkukuhanan. At sa kasamaang palad, kayo ang unang nakakaramdam nito—kapag kulang ang health workers, kapag kulang ang classroom, at kapag kailangan ng tulong ng isang barangay pero limitado ang pondo,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ng Speaker na mahalagang katuwang ng pambansang pamahalaan ang LGUs sa pagpapatupad ng mga programa sa edukasyon at community development, at dapat tiyakin na may sapat na pondo ang mga ito para sa kanilang mga responsibilidad. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here