MANILA, Philippines – Ipinanukala ang isang resolusyon na nag-uutos sa Manila Health Department na ipatupad ang Manila Menu Nutrition Labeling Ordinance of 2015 upang mabigyan ng malinaw na impormasyon sa nutrisyon ang mga pagkain sa mga establisyimento sa lungsod.
Batay sa ipinasang resolusyon ni Manila 1st District Councilor Joaquiin Domagoso na “A RESOLUTION DIRECTING THE MANILA HEALTH DEPARTMENT TO IMPLEMENT ORDINANCE NO. 8446, OTHERWISE KNOWN AS THE MANILA MENU NUTRITION LABELING ORDINANCE OF 2015.”, ay hinihikayat ang Manila Health Department na ilabas na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) upang tuluyang maipatupad ang nasabing batas para sa kapakanan ng mga residente ng lungsod.
Nabatid na labing-isang taon na ang nakalipas mula nang maipasa ang ordinansa sa Konseho ng Maynila, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito ganap na naipatutupad.
Batay sa pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology, 4 sa bawat 10 adult na Pilipino at 1 sa bawat 10 batang nasa school age ang overweight o obese.
Sa Maynila naman, lumalabas sa datos na 19.2% ng adolescents at 30% ng mga nakatatanda ang may sobrang timbang.
Ayon sa mga eksperto, ang sobrang timbang o obesity ay maaaring magdulot ng mas mataas na panganib sa mga sakit tulad ng diabetes, cardiovascular disease at hypertension.
Isa sa mga simpleng hakbang upang maiwasan ito ay ang paglalagay ng malinaw na nutrition information sa mga menu ng mga kainan upang makatulong sa mga mamamayan na makapili ng mas masustansyang pagkain.
Sa pamamagitan ng nasabing ordinansa, inaasahang mas magiging mulat ang mga Batang Maynila sa nutrisyon at mas mahihikayat silang pumili ng mas healthy na pagkain. JAY Reyes