Home METRO P1.2B marijuana, nasabat sa pantalan ng Maynila

P1.2B marijuana, nasabat sa pantalan ng Maynila

165
0

MANILA, Philippines – Tumataginting na P1.2 bilyon halaga ng marijuana ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan tinatayang nasa 800 kilo ang dami sa isang shipment sa Manila International Container Port (MICP).

Nabatid sa BOC na natuklasan ang kontrabando noong Marso 7 matapos isailalim sa 100% physical inspection ang isang container na dumating mula sa Thailand.

Idineklara sa shipping documents na naglalaman umano ang kargamento ng rubber mats at plastic wares, ngunit napigil ito ng Risk Management Office ng Intelligence Group ng BOC dahil sa kahina-hinalang detalye.

Sa masusing pagsusuri, nadiskubre ng mga examiner ang 80 kahon na naglalaman ng vacuum-sealed packs ng hinihinalang marijuana o “kush.”

Tinatayang 800 kilo ang kabuuang timbang ng mga nakumpiskang droga na may halagang ₱1.2 bilyon, na sana’y makakalusot at maipapasok sa mga komunidad sa bansa.

Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa drug smuggling ng pamahalaan.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, bunga ng masusing risk assessment, intelligence sharing at pagbabantay ng mga tauhan sa pantalan ang pagkakasabat sa malaking shipment ng droga.

Isang lalaki na nagpakilalang kinatawan ng customs broker ang inaresto sa operasyon at kasalukuyang nasa kustodiya habang isinasailalim sa inquest proceedings ang kaso. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here