MANILA, Philippines – Isinasapinal na ng Government Service Insurance System (GSIS) ang paglulunsad ng “Ginhawa Solar Energy Loan,” isang financing program na magpapahintulot sa mga government worker na umutang ng hanggang ₱500,000 para makapagpakabit ng solar panel system sa kanilang bahay.
Layunin ng programa na hikayatin ang paggamit ng renewable energy habang tinutulungan ang mga empleyado ng gobyerno na makatipid sa bayarin sa kuryente.
Ayon kay Wick Veloso, may 5% interest rate kada taon ang loan na maaaring bayaran sa loob ng limang taon o 60 buwanang hulog at walang service fee.
Sakop ng programa ang pagpopondo sa solar panel systems na ikakabit sa mga tahanan ng mga miyembro ng GSIS.
May kasama rin itong tatlong taong insurance coverage laban sa sunog, lindol, kidlat at bagyo, na walang dagdag na bayad sa borrower o miyembro.
Bahagi ang proyekto ng pagsuporta ng pamahalaan sa energy conservation sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Pinayagan na ng GSIS Board of Trustees ang ₱12.5 bilyon na pondo para sa loan program at ₱60 milyon para sa insurance ng mga solar panel installation.
Inaasahang makatutulong ang programa upang mapalawak ang paggamit ng solar energy at mabawasan ang gastos sa kuryente ng mga government worker sa bansa. JAY Reyes