Tatlo pang barko ang tinamaan ng mga projectile sa Strait of Hormuz nitong Miyerkules, ayon sa mga maritime security at risk firms, na nagdala sa hindi bababa sa 14 na sasakyang-dagat na tinamaan sa rehiyon mula nang magsimula ang sigalot sa Iran.
Halos huminto ang paglalayag sa makitid na rutang pandagat matapos maglunsad ng pag-atake ang United States at Israel laban sa Iran noong Pebrero 28, na nakaapekto sa rutang dinaraanan ng halos ikalimang bahagi ng suplay ng langis sa mundo at nagtaas ng presyo ng langis sa pinakamataas na antas mula noong 2022.
Nagbabala ang Iran’s Revolutionary Guards na maaaring targetin ang anumang barkong dadaan sa Strait, habang nagbanta si US President Donald Trump na paiigtingin ang pag-atake ng US sa Iran kung patuloy nitong haharangan ang rutang pandagat.
Tinamaan ng “two projectiles of unknown origin” ang Thailand-flagged dry bulk vessel na Mayuree Naree habang naglalayag sa Strait, na nagdulot ng sunog at pinsala sa engine room, ayon sa operator nitong Precious Shipping.
“Three crew members are reported missing and believed to be trapped in the engine room,” pahayag ng Precious Shipping.
“The company is working with the relevant authorities to rescue these three missing crew members,” dagdag nito, habang ang natitirang 20 tripulante ay ligtas na nailikas at dinala sa Oman.
Ipinakita sa mga larawang inilabas ng Thai navy ang makapal na usok mula sa hulihan ng barko.
Sa hiwalay na pahayag na inilathala ng Tasnim news agency, sinabi ng Iran’s Guards na ang barko ay “fired upon by Iranian fighters,” na nagpapahiwatig ng posibleng unang direktang pakikipag-engkuwentro ng kanilang pwersa, na dati’y gumagamit lamang ng missiles o drones.
Ayon sa mga source na nakausap ng Reuters, tumanggi ang US Navy sa halos araw-araw na kahilingan ng shipping industry para sa military escorts sa Strait of Hormuz mula nang magsimula ang labanan, dahil sa mataas na panganib ng pag-atake. Gayunman, sinabi ni Trump na handa ang US na magbigay ng naval escorts kung kinakailangan.
Nauna ring tinamaan ang dalawa pang barko. Ang Japan-flagged container ship na ONE Majesty ay nagtamo ng minor damage mula sa isang projectile mga 25 nautical miles hilagang-kanluran ng Ras Al Khaimah sa United Arab Emirates.
Ayon sa may-ari nitong Mitsui O.S.K. Lines at charterer na Ocean Network Express, tinamaan ang barko habang naka-angkla sa Gulf at may pinsala sa bahagi ng hull sa itaas ng waterline. Ligtas ang lahat ng tripulante at nananatiling operational ang barko.
Tinamaan din ng projectile ang bulk carrier na Star Gwyneth, na may bandila ng Marshall Islands, mga 50 milya hilagang-kanluran ng Dubai. Nasira ang hull ng barko ngunit ligtas ang mga tripulante, ayon sa maritime risk firm na Vanguard.
Binanggit din ng Iran’s Revolutionary Guards ang isa pang barkong umano’y tinamaan ng projectile noong Miyerkules ng umaga, ngunit hindi pa ito agad nakumpirma ng Reuters. Dave Baluyot