MANILA, Philippines – Iginiit ng mga transport group na hindi sapat ang fuel subsidy ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng malaking pagtaas ng presyo ng langis sa mga public utility vehicle (PUV) driver.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation nitong Miyerkules, sinabi ni Manibela President Mar Valbuena na halos kalahati ng kita ng mga traditional jeepney driver ang nawawala dahil sa mahal na gasolina.
“As of kahapon, nag-a-average na kami sa P400 to P500 na nawawalang kita. Ngayon kung magpapatuloy itong pagtaas ng petrolyo, baka mas malaki pa ‘yong mawawala sa average na kita namin na P800 per day, do’n sa 12 hours to 14 hours na pamamasada namin. Ganoon na po kalaki ‘yong nawawala,” ani Valbuena sa mga mambabatas.
“Kahit na gaano pa po kabilis ang pag-release ng fuel subsidy ng DOTr, ng LTFRB, hindi po sasapat ito. Kasi galing po tayo do’n sa P60 or P55 (per liter), ngayon P90 na ang pinakamataas? Ang laki po ng tinalon,” dagdag niya.
Sinabi ni Valbuena na maaaring humiling ang mga transport group ng P2 provisional fare increase bilang huling hakbang.
Suportado naman ito ni Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP) President Orlando Marquez.
“Kusang loob na po titigil ang driver namin, dahil wala nang kinikita,” aniya.
“Gatasan itong batas na (oil) deregulation law. Sana mapag-aralan mabuti sa Kongreso,” dagdag pa niya.
Humihiling din ng provisional fare increase ang isang grupo ng UV Express drivers. Samantala, nanawagan si Leonard Bautista, kinatawan ng modern jeepney cooperatives, na isama ang modern jeepneys sa Service Contracting Program ng pamahalaan.
“Ang kailangan namin hindi lang sa fuel subsidy. Ang kailangan namin after sales, kasi nadadagdag ‘yung pagbabayad namin sa bangko, ‘yung pag-maintain namin sa mga sasakyan, tapos ito pa ‘yung pagtaas ng ating fuel,” ani Bautista.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), may P2.5 bilyong pondo para sa fuel subsidy program kung saan 55 porsyento ang nakalaan para sa humigit-kumulang 247,760 traditional at modern jeepneys, UV Express vans, at TNVS units; 33 porsyento para sa 723,000 tricycle; at 11 porsyento para sa 150,000 delivery riders.
Gayunman, sinabi ng ilang tricycle driver na marami sa kanilang sektor ang hindi nakatanggap ng mga naunang fuel subsidy mula sa pamahalaan.
Nagbabala naman si Department of Finance Director Jolly La Rosa na kung magpapatuloy ang sigalot sa Middle East at mananatiling mataas ang presyo ng langis sa mas mahabang panahon, maaaring hindi kayanin ng pamahalaan na ipagpatuloy ang fuel subsidy program.
“But as far as I know, the economic managers are looking at a worst-case scenario, making plans, support most vulnerable, in case this lasts for more than a month,” ani La Rosa sa mga mambabatas.
Samantala, nanawagan ang grupo ng mga trucker na magpatupad ang pamahalaan ng mga hakbang upang mapababa ang presyo ng langis. Iminungkahi naman ni Caloocan City 2nd District Representative Edgar Erice na alisin ang excise tax at value added tax sa fuel upang makatulong sa pagpapababa ng presyo nito. Santi Celario