MANILA, Philippines – Mahigit 4,600 overseas Filipino workers (OFWs) na ang nabigyan ng tulong ng pamahalaan mula nang lumala ang tensyon sa Middle East, ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac nitong Miyerkules.
Sa pagdinig ng House Committees on Overseas Workers Affairs at Foreign Affairs, sinabi ni Cacdac na 4,608 OFWs na ang natulungan hanggang nitong Martes sa pamamagitan ng mga programa ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Kabilang sa mga tulong na ibinigay ang temporary accommodation, financial assistance, pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan, at psychosocial services. Ipinagkaloob ang mga ito sa mga lugar na apektado ng sigalot at sa mga transit hubs gaya ng Hong Kong, Singapore, Malaysia, Manchester sa United Kingdom, at Ethiopia.
“Thus far, 4,600 ang natulungan natin. It could be the case na yung 4,600 na yan ay one or two or three modes of assistance ang naibigay natin. Maaring nadala natin to temporary accommodation, maaring na-repatriate natin, maaring nabigyan ng pagkain (that the 4,600 were given one, two, or three modes of assistance. We may have provided them with temporary accommodation, we may have repatriated them, we may have given them food). So it need not be one form of assistance lang per person,” ani Cacdac.
Sinabi rin niya na nakikipag-ugnayan ang DMW sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang matulungan ang mga Pilipino sa mga lugar na walang Migrant Workers Offices, kabilang ang mga OFW na naglalakbay bilang turista nang sumiklab ang tensyon.
Dagdag niya, nakikipag-ugnayan din ang mga opisyal ng Pilipinas sa mga emergency shelter sa Bahrain, Israel, at Qatar upang matiyak ang kaligtasan ng mga OFW.
Sa ngayon, 380 OFWs na ang humiling ng repatriation mula sa rehiyon.
“We get the requests, and we’re braced to repatriate. Those who are ready at this stage would be 380,” ani Cacdac.
Ayon sa kalihim, naghahanda ang pamahalaan ng dalawang chartered flights, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., upang maiuwi ang mga OFW na nais nang bumalik sa bansa.
Gayunman, sinabi niyang nananatiling hamon ang repatriation dahil sa limitadong airspace at pagkaantala ng mga flight sa ilang bansa sa rehiyon.
“The reality is, with the closure of the airspace, because we’re looking at Kuwait, Bahrain, Qatar, UAE, and Israel, the reality is four of those five countries, except for the UAE, ay hindi regular ang flights (have no regular flights),” aniya.
Sa ngayon, tinutulungan ng mga team ng pamahalaan ang mga OFW na makatawid sa pamamagitan ng land border crossings, kung saan naka-preposition ang mga tauhan sa magkabilang panig ng hangganan.
Samantala, sinabi ni OWWA Deputy Administrator Patricia Yvonne Caunan na nagdeploy na ng rapid response teams sa mga kritikal na lugar sa Middle East mula pa noong Marso 2, at naglabas na rin ng pondo mula sa Emergency Repatriation Fund (ERF).
Pinalalawak din umano ng OWWA ang operasyon ng 1348 hotline at ginagamit ang e-report platform ng pamahalaan para sa pagproseso ng mga kahilingan sa tulong at repatriation. Ang ERF sa ilalim ng General Appropriations Act ay may P1.2 bilyon, kung saan halos 20 porsyento na ang nagamit habang nagpapatuloy ang operasyon. Dave Baluyot