MANILA, Philippines – Nagpataw ang Department of Agriculture (DA) ng humigit-kumulang P81 milyong multa noong 2025 laban sa mga supplier at contractor dahil sa pagkaantala ng delivery ng farm inputs at mabagal na implementasyon ng mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.
Nakolekta ang mga parusa mula sa mga regional field offices ng ahensya kasunod ng direktiba ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. noong Pebrero 18 na magsumite ng detalyadong ulat sa mga liquidated damages kaugnay ng paglabag sa supply at infrastructure contracts.
Ipinakita ng mga ulat ang paulit-ulit na pagkaantala sa delivery ng fertilizer, binhi, farm equipment, at construction materials, pati na sa pagtatayo ng mga pasilidad pang-agrikultura at irrigation projects.
“Timely delivery of inputs and projects helps farmers improve productivity, increase income, and contribute to the country’s food security,” ani Tiu Laurel.
Mahigit 100 supplier at contractor ang pinatawan ng parusa, kung saan pinakamalaki ang naitalang multa sa Northern Luzon.
Pinakamalaki ang naitala sa Cagayan Valley (RFO II) na may P28.5 milyon, sinundan ng Ilocos Region (RFO I) na may P18.2 milyon, at Central Luzon (RFO III) na may P15.4 milyon.
Sa Ilocos, ipinataw ang pinakamalaking single penalty na P14.1 milyon laban sa La Filipina Uy Gongco Corp. dahil sa delayed delivery ng complete fertilizer (14-14-14), habang P1.4 milyon naman ang multa sa Leads Agricultural Products Corp. dahil sa huling delivery ng 29,278 sako ng hybrid seeds.
Sa Cagayan Valley, naitala ang P20.1 milyong liquidated damages para sa delayed seed deliveries at P5.9 milyon para sa fertilizers na kinasasangkutan ng Farmex Corp., Jedeco Trading Corp., SL Agritech Corp., at Universal Harvester Inc.
Sa Central Luzon, pinagmulta ng P4.5 milyon ang Agri Component Corp. dahil sa pagkaantala ng dalawang Rice Processing System projects, habang P1 milyon naman ang multa sa Verlin Konstrukt Inc. dahil sa delayed delivery ng labor at materials para sa bio-secure swine finisher facility.
Sa Cordillera Administrative Region, pinagmulta ng P643,490 ang Modern Times Enterprises Inc. matapos hindi maihatid ang mahigit 41,000 sako ng inorganic fertilizer, kung saan 39,575 lamang sa 80,603 sako ang na-deliver.
Sa iba pang rehiyon, naitala ang P3.1 milyon sa Calabarzon, P5.8 milyon sa Mimaropa, P1 milyon sa Bicol, P5.2 milyon sa Western Visayas, P597,015 sa Central Visayas, at P295,187 sa Eastern Visayas.
Sa Mindanao naman, umabot sa P3.9 milyon sa Zamboanga Peninsula, P1.8 milyon sa Northern Mindanao, P453,156 sa Davao Region, P7.1 milyon sa Soccsksargen, at P811,822 sa Caraga ang naitalang mga multa. Santi Celario