MANILA, Philippines – “Ang katapatan ng mga Pilipino ay dapat sa Pilipinas, at hindi sa ibang bansa.”
Binigyang-diin ito ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Huwebes, Marso 12 habang muling kinuwestiyon ang mga kamakailang kilos ng isang halal na mambabatas ng Pilipinas, na ayon sa kanya ay tila kumakatawan sa interes ng ibang bansa.
“Dapat mahalin natin ang Pilipinas more than any country. Kung ano man ang at stake, Pilipino tayo. Dapat Pilipinas ang ating pinapangalagaan, hindi ang interest ng ibang bansa,” aniya sa isang panayam sa radyo.
Kinuwestiyon ni Lacson ang pattern ng mga kilos ni Sen. Rodante Marcoleta, na noong nakaraan ay nagtanong tungkol sa mga benepisyo para sa Pilipinas sa pag-aaplay bilang non-permanent member ng United Nations Security Council. Kasama sa permanent members ang US, UK, China, France, at Russia.
Ani Lacson, kahit bilang non-permanent member, magkakaroon ang Pilipinas ng mas malaking papel sa pagtataguyod ng pambansa at rehiyonal na interes, at magkakaroon ng mas aktibong partisipasyon sa mga diskusyon tungkol sa pandaigdigang kapayapaan at seguridad.
“Definitely less than China’s gains in having a permanent seat but a non-permanent seat will give the Philippines greater diplomatic influence and opportunity to advance national and regional interests, ability to sponsor resolutions, not to mention international prestige,” aniya sa isang post sa X nitong nakaraang linggo.
“Meron kang diplomatic influence maski papaano. Importante yan,” dagdag ni Lacson.
Ayon sa senador, bahagi rin ng pattern ni Marcoleta ang paulit-ulit na pagtatanong sa mga opisyal ng militar at sibilyan ng Pilipinas upang kuwestiyunin ang mapa ng National Mapping and Resource Information Authority (Namria) ng West Philippine Sea – kahit na dalawang batas – ang Philippine Maritime Zones Act (RA 12064) at ang Archipelagic Sea Lanes Act (RA 12065) – na pirmado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobyembre 2024 – ay malinaw na nagtataguyod ng teritoryal na integridad ng bansa at karapatan sa lahat ng maritime zones nito, kabilang ang WPS.
Aniya, ang pinakabagong insidente ng paulit-ulit na pagtatanong ay naganap nitong Miyerkules sa confirmation hearing ng defense committee ng Commission on Appointments para sa promosyon ng mga opisyal ng militar kung saan “bina-badger” ni Marcoleta ang isang Army officer tungkol sa West Philippine Sea, kaya kinailangan ni Sen. Jinggoy Estrada na ipahayag na ang WPS ay mas nasa domain ng Navy at Coast Guard.
“Ang kanyang naratibo, naghahanap siya ng military general na sasang-ayon sa kanya. Siyempre anong magagawa ng tao under scrutiny para ma-confirm? E i-invoke niya ang Sec 20 hindi ma-confirm ang kawawang official pag di sumang-ayon sa kanya… Bina-badger mo ang testigo o resource person para sumang-ayon sa gusto mo. Anong motibo? Naghahanap ka ng para maipagmalaki ka military officer ito sumasang-ayon sa atin. Kaya tanong ko nga, ano ba audience mo? China?” ani Lacson.
Aniya, pati ang ilang kapwa senador ay hindi nakaligtas sa ganitong pamamaraan ni Marcoleta.
Binanggit niya na iniulat ng chairman ng Senate foreign relations committee na si Erwin Tulfo kay Senate President Vicente Sotto III na iginiit ni Marcoleta na imbitahan ang mga kinatawan ng Namria at iba pang personalidad sa isang Senate hearing kung saan kuwestiyunin niya ang mapa ng Pilipinas.
Sa kanyang privilege speech nitong Martes, binanggit din ni Lacson na maraming pahayag ni Marcoleta tungkol sa isyu ng WPS, kabilang ang pagkuwestiyon sa pagtuklas at okupasyon ni Tomas Cloma sa Spratly Islands, ay kahawig ng mga pahayag ng China na nakalagay sa website ng Ministry of Foreign Affairs (MOFA) ng China.
“Hindi na personal, para sa bayan na lang. Sino ba ang pinoprotektahan mo? Ano bang meron ang China sa iyo? Bakit ganyan ka, napaka-consistent mo?” tanong ni Lacson kay Marcoleta. Ernie Reyes