MANILA, Philippines – NAAAYON sa batas at desisyon ng Korte Suprema ang pinagbasehan kung bakit naipalibing sa LIbingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. at hindi dahil sa utang na loob.
Sinumbatan kasi at sinabihang walang utang na loob ni Davao City Representative Paolo Duterte sa mismong unang taong anibersaryo ng pag-aresto sa kanyang ama ang administrasyong Marcos sa mga nagawa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa pamilya Marcos.
“Ang pagpapalibing po ng labi ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ay ito naman po ay naaayon sa batas at nagkaroon din po ng desisyon ang Supreme Court dito. At naibalita na rin po natin before na si Pangulong Marcos Jr. ay nagpapasalamat sa ginawa ni dating Pangulong Duterte patungkol po rito,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“Pero ang pagtanaw ng utang na loob ay hindi naman po kinakailangan na i-tolerate at tulugan ang anumang akusasyon ng kriminalidad at takpan ang mata sa maaaring nadulot ng karumaldumal na patayan ng EJK. Hindi rin po pupuwedeng ipikit ng gobyerno at ng Pangulo ang kaniyang mata sa mga sinapit po ng mga complainants dito sa ICC,” ang winika pa rin ni Castro.
Sa isang kalatas, sinabi kasi ni Pulong Duterte na mas pinili ng kasalukuyang administrasyon ang paghihiganti sa pulitika sa halip na pasasalamat.
Ipinaalala ng kongresista na si dating Pangulong Duterte ang nagpahintulot na maihimlay sa Libingan ng mga Bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa ngalan ng pagkakasundo, paghilom at paggalang sa kasaysayan.
Sa kabila aniya ng mga kontrobersya sa nakaraan ay pinili ng kanyang ama ang pagkakaisa kaysa pagkakawatak-watak at tinulungan ang pamilya Marcos.
Punto nito, sa halip na magpasalamat ay pagtatraydor umano ang nasaksihan ng mga Pilipino at sa halip na respeto ay ipinagkanulo pa ang nakatatandang Duterte at ipinahiya sa buong mundo.
“So, muli, nagpapasalamat po si Pangulong Marcos Jr. sa ginawang ito ni dating Pangulong Duterte, at ito naman po ay sinang-ayunan ng Supreme Court at wala naman pong nalalabag na batas. Iyon lamang po,” ang diing pahayag ni Castro. KRIS JOSE