MANILA, Philippines – Maaari umanong maglaan ng pondo ang ilang ahensya ng gobyerno sakaling lumala ang sitwasyon at maapektuhan ang bawat Pilipino sa pagtaas ng presyo ng langis dahil sa gyera sa Gitnang Silangan.
Sa Kapihan sa Manila Bay, tiniyak ni Senate President Tito Sotto III na handa at may sapat na pondo ang pamahalaan.
Aniya, nakapaloob sa general appropriation act ang paglalaaan ng pondo sa posibleng paglala ng sitwasyon.
Bukod dito, sinabi ng senador na inaasahan na rin na talagang maaapektuhan ang presyuhan ng langis sa world market pero giit niya na may sapat pa na suplay ang bansa.
Ikinadismaya naman ng senador ang ilang kumpanya ng langis sa mga reklamo ng ginagawang pananamantala sa sobrang pagsirit ng presyo.
Aniya, nararapat lamang na kumilos ang pamahalaan partikular ang mga ahensiya nito para mabantayan at mapigilan ang ganitong uri ng insidente na taumbayan amg nagsasakripisyo.
Naniniwala naman si Sotto na sa mga susunod na araw ay maglalabas ng kautusan ang Pangulong Bongbong Marcos Jr. para maresolba ang isyu sa pagtaas ng presyo ng langis. Jocelyn Tabangcura-Domenden