NALAMPASAN na ng Pag-IBIG Loyalty Card Plus ang P1 bilyon na kabuuang diskwentong naibigay sa mga miyembro nito, kasabay ng paglawak ng programa sa 507 partner establishments sa buong bansa.
Inilunsad ng Pag-IBIG Fund ang Loyalty Card noong 2014 upang bigyan ang mga miyembro ng access sa mga espesyal diskwento mula sa mga katuwang na merchant.
Noong 2019, ipinakilala ang Pag-IBIG Loyalty Card Plus, na dinagdagan ng cash card features sa pamamagitan ng Asia United Bank (AUB) at UnionBank of the Philippines para sa pagtanggap ng mga loan proceeds at access sa mga pangunahing serbisyo sa bangko.
Mula noon, naging isa ito sa pinakapraktikal na benepisyo ng Pag-IBIG Fund, na tumutulong sa mga manggagawang Pilipino na makatipid sa pagkain, gamot, transportasyon, mga gastusin sa bahay, at iba pang pangunahing pangangailangan.
“Ang Pag-IBIG Loyalty Card Plus ay isang pangunahing halimbawa kung paano nagbubunga ang pagtutulungan ng publiko at pribadong sektor upang magbigay ng praktikal at mahalagang benepisyo sa pang araw-araw para sa mga manggagawang Pilipino,” ani Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon P. Aliling, na siya ring tagapangulo ng 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees.
Binigyang-diin din ni Aliling na ang programang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking na makapaghatid ang gobyerno ng makabuluhan at mabilis na tulong sa mga Pilipino, lalo na sa panahon ng pandaigdigang, kawalan ng katiyakan kung saan mahalaga ang bawat piso.
Paglawak ng Serbisyo sa Buong Bansa
Sa kasalukuyan, ang programa ay mayroon nang 507 partner establishments:
– 114 sa pagkain, restawran, at grocery;
– 5 sa gasolina at transportasyon;
– 189 sa kalusugan at gamot;
– 20 sa mga establisimyentong may kaugnayan sa pabahay.
Pagdating sa lokasyon, ang programa ay may 162 partners sa NCR, 155 sa Luzon, 55 sa Visayas, at 85 sa Mindanao. Nakapagtala na ang programa ng 30,660,983 discounted transactions, habang ang kabuuang bilang ng nailabas na card ay umabot na sa 15,170,992. Ang kabuuang diskwentong naibigay sa mga miyembro ay nagkakahalaga ng P1,005,583,149.75.
Susunod na Hakbang: Digital Loyalty Card
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta, papasok na ang programa sa susunod na yugto nito sa pamamagitan ng paglalabas ng Pag-IBIG Loyalty Card Plus Digital sa loob ng taong ito. Layunin nito na gawing mas madaling ma-access, mas ligtas, at mas maginhawa ang mga serbisyo at pribilehiyo para sa mas maraming Pilipino.
“Sa pamamagitan ng Pag-IBIG Loyalty Card Program, nararamdaman ng ating mga miyembro ang halaga ng Pag-IBIG Fund hindi lamang sa malalaking transaksyon, kundi pati na rin sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay sa pamamagitan ng nyata o konkretong tipid sa mga pangunahing gastusin,” dagdag ni Acosta.






