Home NATIONWIDE Maulap na kalangitan, mahinang pag-ulan sa Amihan, mararanasan

Maulap na kalangitan, mahinang pag-ulan sa Amihan, mararanasan

173
0

MANILA, Philippines – Magdadala ng maulap na kalangitan at mahinang pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas ang Northeast Monsoon o amihan ngayong Biyernes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa 3 a.m. weather bulletin ng ahensya, huling namataan ang Tropical Depression Nuri na nasa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa layong 1,580 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao. Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 55 km/h habang kumikilos pasilangan-timog-silangan sa bilis na 10 km/h.

Makakaranas ng maulap na kalangitan na may mahinang pag-ulan ang Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanes dulot ng amihan, ngunit sinabi ng PAGASA na wala itong inaasahang malaking epekto.

Samantala, magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong mahinang pag-ulan ang Metro Manila, nalalabing bahagi ng Luzon, Visayas, Caraga, Zamboanga Peninsula, at Northern Mindanao dahil pa rin sa amihan, at wala ring inaasahang malaking epekto.

Ang nalalabing bahagi ng Mindanao naman ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkulog at pagkidlat bunsod ng localized thunderstorms. Nagbabala ang PAGASA na posibleng magkaroon ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa sa oras ng malalakas na thunderstorm.

Ayon pa sa PAGASA, makararanas ng katamtaman hanggang malakas na hangin ang hilaga at kanlurang bahagi ng Northern Luzon na magdudulot ng katamtaman hanggang maalon na karagatan.

Ang silangang bahagi ng bansa ay makararanas din ng katamtaman hanggang malakas na hangin mula hilagang-silangan hanggang hilaga na may katamtaman hanggang maalon na karagatan.

Samantala, mahina hanggang katamtamang lakas ng hangin na may bahagya hanggang katamtamang alon ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas, gayundin sa natitirang bahagi ng Mindanao. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here