MALAYO ang Pinas sa Middle East ngunit may malalaking panganib sa atin ang mabangis na giyera sa rehiyong Israel at Arabo.
Kabilang sa mga nanganganib ang 2.8 milyong overseas Filipino worker sa Middle East dahil direkta na silang nadadamay sa giyera ng United States-Israel at Iran.
Dito sa Pinas, nanganganib din ang kabuhayan ng milyon-milyong mamamayan, lalo na sa parte ng mahihirap, dahil sa biglang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at langis din na maaaring ikalugi o ikabagsak ng mga negosyo at ikahihina rin mismo ng pamahalalaan.
2 PATAY, MILYONG ‘DI MAKAPAGHANAPBUHAY
Dahil sa walang katapusan at tumitindi pang giyera sa Gitnang Silangan, dumarami o daan-daang libong OFW na ang hindi makapaghanapbuhay nang matino sa Israel, Jordan, Lebanon, Qatar, Kuwait, Oman, United Arab Emirates, Saudi Arabia, Iran at Iraq.
May namatay na ngang dalawa: Isa sa Israel na babaeng caregiver at taga-Pangasinan at isa sa mga crew ng isang tugboat na binomba ng Iran sa Strait of Hormuz para hilahin ang binombang barko.
Ayon mismo sa Departments of Migrant Workers at Foreign Affairs at Overseas Workers Welfare Administration, libo-libo na ang nag-aaplay para umuwi sa Pinas at meron na ngang inarkilang mga eroplano para iuwi ang mga gustong umuwi habang nakauwi na ang ilang Pinoy.
Laban-bawi naman ang libo-libong OFW sa pagbabalik-Pinas dahil sa pangamba na pag-uwi nila, wala naman silang madadatnan kundi kamalasan sa hanapbuhay at krisis din gaya ng pagmamahal ng bilihin bunga ng digmaan at nagmahal nang petrolyo.
Kasama sa mga panganib sa hanapbuhay ng mga OFW sa Gitnang Silangan ang pagsasara ng mga planta ng langis, airport, turismo at restoran, konstruksyon, ospital na tinatamaan ng mga missile at drone at pagkalugi o pagkamatay ng mga amo sa parte ng mga kasambahay.
Naririyan din ang ganap na pagtigil ng mga barkong oil tanker at pangkargo na bumiyahe sa Strait of Hormuz lalo’t mahigit 10 oil tanker na ang nasira o lumubog, kasama ang tatlo na kabobomba lang at apektado rito ang mga Pinoy seaman.
Resulta, naririyan na ang pagtigil o pagbagal ng padala na ikinasisira na rin ng milyong pamilya OFW sa Pinas.
SA PINAS
Kabilang sa mga nanganganib din ang pagtigil o pagbabawas ng malaking padala ng mga OFW mula sa Middle East at nakasasama sa gastusin ng pamahalaan sa loob at labas ng bansa.
Kailangang gumastos ang pamahalaan ng malaki, lalo’t bumagsak pa ang halaga ng piso, para bumili ng sapat na langis mula sa ibang bansa para hindi maparalisa ang ating ekonomiya at bahagi ng pambili nito ang mga padalang dolyar ng mga OFW na tumitigil o bumabagal na nga ang pagdating.
Nagsimula na ring umiyak sa hirap, sa pagbili ng pagkain lalo na, ang maraming mahihirap sa biglang pagsirit ng presyo ng mga ito at ang mga negosyante sa pagmamahal ng mga bayarin sa transportasyon.
PULITIKA INUUNA
Ang napakasaklap, mga Bro, inuuna pa ng higit na nakararaming lider ng bansa ang mamulitika tungo sa halalang presidensyal sa 2028.
Inuuna ng mga ito ang agawan sa kapangyarihan at yuman sa poder kaysa paglingkuran ang sambayanang labis nang naghihirap.






