MABIGAT ang akusasyon ni Senator Rodante Marcoleta na itinatago ni Sen. Ping Lacson si dating House Speaker Martin Romualdez sa imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee hinggil sa flood control corruption.
Ayon kay Marcoleta, imbes na harapin ng Senado ang mga seryosong alegasyon laban sa dating House leader, tila ginamit pa nito ang konseptong inter-parliamentary courtesy upang hindi maipatawag si Romualdez at maiharap sa mga pagtatanong.
Kung totoo ang sinasabi ni Marcoleta, malaking problema ito sa kredibilidad ng imbestigasyon ng komite sa ilalim ni Sen Lacson.
Sa mga nakaraang pagdinig, paulit-ulit na binabanggit ng ilang testigo at mga lumulutang na ulat ang pangalan ni Romualdez bilang sentro ng kontrobersya sa flood control projects. Ngunit sa halip na direktang ipatawag, tila umiikot ang pagdinig sa iba pang pangalan—mga taong hindi naman malinaw ang papel sa mismong paglalaan ng pondo.
Para kay Marcoleta, hindi dapat maging hadlang ang inter-parliamentary courtesy sa paghahanap ng katotohanan.
Kung may mga alegasyon na kailangang linawin, lalo na kung may kinalaman sa bilyon-bilyong pisong pondo ng bayan, obligasyon ng Senado na siyasatin ito, kahit pa sino ang matamaan.
Ayon kay Marcoleta, hindi basta-basta o karaniwang pagnanakaw ang nangyari sa kasaysayan ng ating bansa.
“Hindi po ba ninyo naiisip, mismong kaban ng bayan ang tumagilid? Pagkatapos magtatago kayo sa prinsipyo o doktrina ng inter-parliamentary courtesy?” ang pagdidiin ni Marcoleta.
Sa paglitaw ng 18 diumano’y ex-Marines na naglahad ng kwento tungkol sa pagdadala ng mga maleta ng pera sa iba’t ibang personalidad, imbes magbigay-linaw, ay lalo lamang umingay ang usapin. Marami nga ang kumukwestyon kung tunay itong ‘whistleblowing’ o bahagi ng isang taktika upang mailayo ang atensyon sa sentro ng imbestigasyon.
At habang isinusulat natin ito, may mga usap-usapan na may ikalawang batch pa raw ng mga “sundalo” na lulutang sa mga susunod na araw na pinondohan ni Romualdez upang lalong guluhin ang isyu.
Mula naman daw ito sa ibang grupo, pero pareho ang layunin at ito’y ang maglabas ng panibagong kwento na magpalalabo sa katotohanan.
Kung may mga pangalan na paulit-ulit na lumilitaw sa mga alegasyon, dapat ay huwag silang itago sa likod ng mga tradisyon o courtesy. Mas matimbang ba ito kesa sa pambansang interes? Unahin sana ng Senado ang pagkamit ng hustisya laban sa mga tunay na salarin sa mga problemang hanggang ngayo’y pinapasan ng sambayanang Pilipino.






