AGRESIBO ang naging epekto ng digmaan sa Gitnang Silangan tungkol sa ekonomiya ng maraming bansa sa buong bansa kabilang na ang Pinas.
Sobrang tulin ng mga pangyayari mula sa agresibong pagtaas ng presyo ng petrolyo hanggang sa mga paninda sa palengke at maging ang pamasahe lalo na sa mga barko at eroplano na sinasabing higit sa doble ang itinaas.
Huwag nang problemahin kung paano matitigil ang digmaan dahil wala ito sa kamay ng ating gobyerno. Tutok dapat sa mga epektibong aksyon upang mabigyan ng solusyon ang negatibong epekto nito sa ating mga kababayan.
Tulad na lang sa pamasahe sa mga barko na biglang itinaas ng mga kompanya ng barko. Hindi kasi tulad sa mga dyip, bus o traysikel na kailangan muna ng pahintulot ng gobyerno bago magtaas ng pamasahe, iba ang sitwasyon sa barko at eroplano.
Nagbibigay lamang ng anunsyo ang barko o eroplano na kung minsan pa’y walang anunsiyo pero pwede silang magtaas ng pamasahe kahit walang pahintulot ang gobyerno. Dapat may solusyon na ang gobyerno sa sistemang ganito lalo na sa mga panahon na ito.
Dyip at bus ang pangunahing pampublikong transportasyon sa Kamaynilaan subalit para sa kaalaman ng mga hindi pa nakaaalam ay maraming sumasakay na mga manggagawa sa barko sa mga rehiyon ng Visayas at Mindanao. Nasaan ang gobyerno sa isyung ito?
Marami pang epekto ang digmaan na sana naman ay mabigyan ng atensyon ng ating gobyerno sa pinaka-mabilis na paraan upang masambot ang negatibong epekto nito sa ating mga kababayan lalo yung mga hikahos sa buhay.
Mayroon nang ipinatutupad ang gobyerno pero sa totoo lang, Pangulong Marcos Jr., mabagal ang kilos ng iyong mga opisyal kung ihahambing sa sobrang tulin ng epekto ng digmaan sa kalagayan ng ating ekonomiya.
Ang ibang mga solusyon ay may naka-isip pang ipatupad sa mga darating na mga araw o buwan samantalang halos oras-oras ay lumalatay sa kabuhayan ng mga Pinoy ang hagupit ng katarantaduhan ng Amerika at Israel.
May hinihingi ang Pangulo na karagdagang kapangyarihan sa dalawang Kongreso upang magamit na sandata laban sa epekto ng digmaan subalit tila wala pang gumagalaw o nagpatawag man lang ng espesyal na sesyon para sa kahilingan na ito. Hindi uubra ang mga “kuyakoy” kontra agresibo!






