MANILA, Philippines – Sinabi ni US Energy Secretary Chris Wright nitong Huwebes na hindi malamang aabot sa $200 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, sa kabila ng mga aberya sa Strait of Hormuz at lumalawak na hidwaan ng US-Israel laban sa Iran.
Aniya sa CNN, bagama’t posible ang $200 kada bariles kung lalala pa ang digmaan, nananatiling malayong mangyari ito.
Tumaas ng halos 6% ang presyo ng langis nitong Huwebes, na umabot sa halos $100, matapos atakehin ang dalawang tanker sa isang daungan sa Iraq, na umano’y gawa ng mga bangkang may pampasabog mula sa Iran.
Nag-anunsyo ang International Energy Agency (IEA) ng pinakamaraming coordinated release ng 400 milyong bariles mula sa global oil reserves, kung saan 40% ay mula sa US, bilang tugon sa kakulangan ng supply.
Nagbawas din ng kabuuang produksiyon ng langis ng mga bansang Gulf sa Middle East ng hindi bababa sa 10 milyong bariles kada araw, o 10% ng pandaigdigang demand—ang pinakamalaking pagkakagambala sa kasaysayan ng pandaigdigang merkado ng langis.
Dagdag pa ni Wright, hindi pa kaya ng US Navy na samahan ang mga barko sa Strait of Hormuz, ngunit “malamang” ay magsisimula ang ganitong operasyon bago matapos ang buwan. RNT