MANILA, Philippines – Patay ang isang motorcycle rider matapos matamaan ng isang acacia tree sa Barangay Putatan, Muntinlupa City noong Miyerkules ng gabi.
Nangyari ang insidente bandang alas-9 ng gabi sa Manila South Road. Base sa kuha sa CCTV na biglaang bumagsak ang puno sa rider.
Dinala ang biktima sa ospital ngunit pumanaw siya dahil sa natamong pinsala, ayon sa Muntinlupa City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Tinamaan din ng bumagsak na puno ang isang multi-purpose vehicle (MPV) at isang dump truck. Sinabi ng driver ng MPV na nagulat sila ng kanyang mga sakay nang bumagsak ang puno at huminto ang kanyang sasakyan.
Pinaghihinalaan ng mga awtoridad na luma na ang puno at iniimbestigahan rin kung may nasirang water lines sa lugar. Noong madaling araw ng Huwebes, dalawa sa mga lane ng kalsada ay muling nadadaan, ngunit madulas pa rin dahil sa sawdust.
Wala pang opisyal na pahayag mula sa lokal na pamahalaan ng Muntinlupa tungkol sa insidente. Mary Anne Sapico