MANIBELA nagbabalak ng pansamantalang taas-pasahe dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina
MANILA, Philippines — Sinabi ng transport group na MANIBELA nitong Biyernes, na humihirit sila ng pansamantalang taas-pasahe na P1 hanggang P2 para sa mga public utility vehicles (PUVs) dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng hidwaan sa Gitnang Silangan.
“Last resort po namin ito dapat, kung mabibigyan tayo ng ayuda at mababawasan ‘yung excise tax at value added tax o ma-suspend,” sabi ni MANIBELA chairperson Mar Valbuena sa GMA Integrated News’ Unang Balita.
Dagdag ni Valbuena, inaasahang tataas pa ng P15 kada litro ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo, at maraming drayber ang nawalan ng P400 hanggang P500 na kita araw-araw dahil sa mga kamakailang pagtaas, kung saan ang presyo sa pump ay tumaas ng P25 hanggang P30 kada litro sa mga nakaraang linggo.
Kailangan din ng mga drayber na baguhin ang iskedyul upang maiwasang magkarera sa mga pasahero sa off-peak hours.
Kinuwestiyon ng grupo ang P5,000 fuel subsidy ng gobyerno sa ilalim ng DSWD’s Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program bilang kulang.
Ayon kay Valbuena, maraming drayber ang nahihirapang makapasok sa programa dahil sa dami ng requirements ng LGU at paggamit ng luma at hindi na-update na listahan ng benepisyaryo mula sa panahon ng COVID-19. “Deadline kahapon yung pagsa-submit. Dapat po ma-extend po ito,” ani niya.
Pagliliniaw ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na hiwalay ang P5,000 cash aid sa fuel subsidy mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa kanya, ang listahan ng tricycle drivers ay mula sa LGUs, samantalang ang jeepney drivers ay kukunin mula sa records ng LTFRB.
Malugod ring tinanggap ng MANIBELA ang mga panukala na suspindihin ang excise taxes sa langis, na maaaring magpababa ng presyo ng diesel ng humigit-kumulang P6 kada litro at gasolina ng P10 kada litro. Santi Celario