MANILA, Philippines — May nakalaang pondo para suportahan ang nutrisyon at pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga batang ina na naka-enroll sa pampublikong paaralan, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian nitong Biyernes.
Binanggit ni Gatchalian, tagapangulo ng Senate Committee on Finance, na mula sa P25.6 bilyon na inilaan para sa School-Based Feeding Program, humigit-kumulang PHP369 milyon ang nakatalaga upang suportahan ang nutrisyon ng hindi bababa sa 140,000 batang buntis na nasa panganib.
“Mahalagang mabigyan natin ng pagkakataon ang mga batang ina na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral para hindi sila tuluyang mawalan ng pag-asa sa mas magandang kinabukasan,” ani Gatchalian.
Idinagdag niya na bahagi ng suporta ang pagtiyak sa nutrisyon at paglalatag ng matibay na pundasyon para sa mga anak ng batang ina. Makakatulong din ang pagsuporta sa malnourished na teen mothers sa paglutas ng stunting, na nakaapekto sa 26.7 porsyento ng mga batang Pilipino sa ilalim ng limang taon.
Ang mga batang ina na hindi makapag-enroll sa pormal na paaralan ay maaaring mag-aral sa pamamagitan ng Alternative Learning System, na nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga out-of-school youth, adult learners, at iba pang marginalized sectors upang makumpleto ang basic education. RNT