MANILA, Philippines — Hiniling ni Senator Jinggoy Estrada nitong Biyernes na palawakin ang benepisyo sa kawalan ng trabaho sa ilalim ng Social Security System (SSS) upang mas mapalakas ang tulong-pinansyal sa mga manggagawa, kabilang ang mga repatriated overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ipinasa ni Estrada ang Senate Bill No. 1070, na nagmumungkahi na pahabain ang unemployment assistance hanggang limang buwan, mas matagal kaysa kasalukuyang dalawang buwan na benepisyo na nagbibigay ng 50 porsyento ng average monthly salary credit ng miyembro.
“Hindi lang kita ang nawawala sa mga nawalan ng trabaho. Nawawalan din sila ng pag-asa at seguridad ng kanilang pamilya kung paano maitatawid ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Sa ganitong pagkakataon, dapat may nasasandalan silang tulong at malasakit ng pamahalaan upang makabangon muli,” ani Estrada.
Ayon sa panukala, ang tagal ng tulong ay batay sa haba ng kontribusyon ng manggagawa sa SSS. Ang mga miyembrong may hindi bababa sa isang taon ng kontribusyon ay maaaring makatanggap ng buwanang cash aid na katumbas ng isang-katlo ng kasalukuyang buwanang minimum wage, na tatagal mula isang buwan hanggang limang buwan depende sa haba ng kontribusyon.
“Ang panukalang cash aid ay hindi limos. Ito ay proteksyon laban sa gutom at kahirapan habang sila’y naghahanap ng bagong trabaho,” dagdag ni Estrada. RNT