NAKABABAHALA ang ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros sa pagdinig sa Senado hinggil sa kaso ng isang Chinese national na tinukoy bilang “Mr. Yin.”
Ayon sa mga impormasyon, si Yin ay isang pugante sa China. Noong 2024, naaresto siya sa Pilipinas at idineklarang undesirable alien.
Pero, nakagugulat na makalipas lamang ang ilang panahon, nakalaya siya matapos makakuha ng refugee status sa bansa. Ang refugee protection system ng Pilipinas ay ginawa upang tulungan ang mga taong nasa panganib sa kanilang bansa. Pero dahil sa imbestigasyon ni Hontiveros, nalaman na ginagamit pala ang sistema upang makaiwas sa deportation ang mga kagaya ni “Mr. Yin”.
Bago lumabas ang pangalan ni “Mr. Yin”, pinagsabihan ni Hontiveros ang Philippine Statistics Authority dahil sa mabagal na proseso nang pagkansela ng birth certificate ni Joseph Sy. Nabuking si Sy matapos tumugma ang kanyang biometrics sa isang Chinese citizen na si Zhong Zhen Chen. Aminado ang PSA na maraming anomalya sa dokumento ni Sy, ngunit inabot pa rin nang ilang buwan bago naipasa ng ahensiya ang kaso sa Office of the Solicitor General para sa pormal na aksyon.
Sa mga nakaraang taon na pagdinig sa Senado na pinangunahan ni Hontiveros, naungkat ang kaso ni Alice Guo. Natuklasan na isang Chinese citizen si Guo ngunit nahalal pa rin bilang alkalde sa Tarlac. May mga nagsasabing espiya si Guo ng China at kung totoo ito, nakababahala na napapasukan ng mga dayuhan ang ating gobyerno.
Mantakin n’yo, nabibigyan ng birth certificate at ID ang mga undesirable alien, gaya ni “Mr. Yin”, kaya nakapagtayo ang mga ito ng mga negosyo at mag-operate ng illegal activities gaya ng iligal na sugal. Sa kaso ni Guo, nahalal pa sa lokal na posisyon.
Inaasahang hindi titigil si Hontiveros hanggang hindi nauungkat ang anomalya sa katauhan ni “Mr. Yin” at ang mga taong pilit na binabaluktot ang sistema—kahit pa malagay sa alanganin ang ating kasarinlan at soberanya.






