Home NATIONWIDE 2 Pilipino iniulat na naaresto sa UAE dahil sa pag-post ng mga...

2 Pilipino iniulat na naaresto sa UAE dahil sa pag-post ng mga air strike content

159
0

ABU DHABI, UAE – Iniulat na dalawang Pilipino ang kabilang sa mga dayuhan na inaresto ng mga awtoridad sa United Arab Emirates dahil umano sa pag-post ng sensitibong digital content na may kaugnayan sa mga pag-atake at air defense operations sa bansa.

Sa pahayag ng Philippine Embassy in Abu Dhabi at Philippine Consulate General in Dubai, sinabi nilang binabantayan nila ang ulat na may mga Pilipinong kabilang sa mga inaresto dahil sa umano’y pagbahagi ng mga video at online content tungkol sa mga kamakailang strike at air defense interceptions sa Dubai.

Ayon sa embahada, humiling na ang mga opisyal ng Pilipinas ng opisyal na kumpirmasyon at karagdagang detalye mula sa mga awtoridad ng UAE tungkol sa pagkakakilanlan, kalagayan, at legal na sitwasyon ng mga posibleng Pilipinong sangkot.

Lumabas sa isang online report na dalawang Filipina ang kabilang sa 25 kataong inaresto dahil sa pagbahagi ng naturang content. Kabilang din umano sa grupo ang mga dayuhan mula sa India, Pakistan, at Bangladesh.

Iginiit ng embahada na iginagalang ng Pilipinas ang soberanya ng UAE at ang karapatan nitong ipatupad ang mga batas nito kaugnay ng national security, cybercrime, at public order.

Nagpaalala rin ang mga awtoridad ng UAE laban sa pag-post o pagbabahagi ng mapanlinlang o gawa-gawang impormasyon, kabilang ang mga video ng air defense interceptions, pag-atake sa mga landmark, o mga AI-generated na pekeng footage.

Dahil dito, pinaalalahanan ng embahada ang mga Pilipino sa UAE na maging maingat at responsable sa paggamit ng social media at messaging platforms. Pinayuhan din silang iwasan ang pagre-record, pag-post, at pagbahagi ng hindi beripikado at sensitibong impormasyon tungkol sa seguridad.

Hinimok din ang mga Pilipino na umasa lamang sa opisyal na pahayag ng mga awtoridad ng UAE at mga mapagkakatiwalaang news sources para sa impormasyon tungkol sa kasalukuyang sitwasyon sa seguridad. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here