MANILA, Philippines – Nanawagan si Justice Secretary Fredderick Vida sa mga empleyado ng Department of Justice (DOJ) at kanilang mga pamilya na magtipid sa enerhiya at gasolina kahit nasa bahay, dahil sa patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni Vida sa mga kawani na dalhin ang diwa ng pangangalaga sa kanilang tahanan Sa panahon ng krisis dahil walang maliit na aksyon para magdulot ng malaking pagbabago.
Kasabay nito, ipinatutupad ng DOJ ang apat na araw na onsite workweek bilang bahagi ng kanilang mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya.
Magtatrabaho ang mga kawani sa opisina mula Lunes hanggang Huwebes, habang ang Biyernes ay mandatory work-from-home.
Ayon sa DOJ, inaasahang makakatipid ito ng tinatayang 20,142 kilowatt-hours ng enerhiya kada buwan.
Samantala, noong nakaraang linggo, ini-certify ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent ang panukalang batas na nagbibigay sa kanya ng emergency powers upang suspindihin o bawasan ang excise tax sa gasolina.
Ang Senate counterpart ng panukala ay inaprubahan na ng pinagsamang Senate committees on energy at ways and means noong Marso 12. Jocelyn Tabangcura-Domenden