MANILA, Philippines – Matinding kinastigo ni Senador Erwin Tulfo nitong Lunes, Marso 16, 2026 ang Department of Education, Philippine National Police (PNP), Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagiging reaksiyunaryo sa bullying sa paaralan.
Sa pahayag, binigyang diin ni Tulfo na dapat nang itigil ng mga paaralan at awtoridad gaya ng pulisya, lokal na tanggapan ng social welfare and development, at DepEd ang pagiging “reactionary” at sa halip ay maging “proactive” sa pagsugpo ng bullying sa mga eskwelahan.
Sa unang pagdinig ng Committee on Basic Education hinggil sa privilege speech ni Tulfo na nananawagang palakasin at palawakin ang Republic Act No. 10627, o ang Anti-Bullying Act of 2013, iginiit ng Senador na nagpapatuloy ang mga insidente ng bullying dahil ang mga hakbang ay ginagawa lamang kapag may nangyari na, sa halip na pigilan ito bago pa maganap.
“’Yan ang problema natin, tayo ay reactionary. Ano ang ginagawa ninyo kapag nalaman ninyong may batang binu-bully sa isang paaralan? Tinatawagan niyo ba ang mga magulang? Umaasa kami sa inyo na ipatupad ang batas, i-execute ito, pero ano ang nangyayari?” tanong ni Tulfo.
“Bakit hindi niyo agad tawagan ang mga magulang para ipaalam sa kanila? ’Yan ang ginagawa sa ibang bansa—agad nilang kinukuha ang atensyon ng mga magulang ng nambu-bully at ng biktima para babalaan sila sa mga kaukulang parusa,” dagdag pa ng Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development.
Binigyang-puna rin ng baguhang Senador na sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti- Bullying Law, kinakailangan pa ng reklamo bago simulan ang imbestigasyon sa isang insidente.
“Paano kung ang batang biktima ay hindi makapagsumbong dahil sa takot? Hindi ba kayo puwedeng magsimula ng motu proprio na imbestigasyon? Talagang walang proactive na aksyon,” anang Senador.
Nagpaliwanag naman si DepEd Director Atty. Razzel Anne T. Requesto na may probisyon sa IRR na kumikilala sa mga ulat mula sa mga nakasaksi o bystanders. Sinabi rin niya na maaaring mamagitan ang isang guro at pwedeng magsimula ng preliminary fact-finding steps.
“Ang ating anti-bullying law ay walang silbi. Marahil, talagang kailangan itong suriin at palitan. Isipin mo na lang, lumabas ito ng tatlong beses (sa social media) bago tayo kumilos. Paano kung ang biktima ng pambu-bully, na mahina-hina ang loob at nagpakamatay, tulad ng kwento ni Sen. Raffy? Paano natin maiiwasan iyon?” ani Tulfo.
“Sa ngalan ng mga batang nagdurusa sa katahimikan sa loob ng ating mga silid-aralan, suriin natin ang Anti- Bullying Act, palakasin ang mga probisyon nito, at tiyakin na ang bawat silid-aralan sa Pilipinas ay tunay na ligtas para sa bawat batang Pilipino,” pagtatapos ni Tulfo. Ernie Reyes