Home NATIONWIDE Contingency plan sa mga OFW vs Middle East crisis, pinalilikha ni Cayetano:...

Contingency plan sa mga OFW vs Middle East crisis, pinalilikha ni Cayetano: ‘Dapat laging handa’

249
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pambansang pamahalaan sa paglikha ng isang National Contingency Framework upang maprotektahan ang overseas Filipino worker (OFW) sa gitna ng lumalalang tensiyon sa Gitnang Silangan

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano, dating kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) na malaki ang pangamba na maaaring tamaan ng sigalot sa ibang bansa at pag-uga ng pandaigdigang ekonomiya ang milyun-milyong Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat.

Dahil dito, inihain ni Cayetano ang Senate Resolution No. 343 na humihikayat sa Executive Branch na bumuo ng pambansang balangkas at maglatag ng komprehensibong National Contingencies Plan para mas mapalakas ang kahandaan ng bansa sa malalaking krisis sa loob at labas ng Pilipinas.

“Instabilities, armed conflict, and war directly affect the welfare and employment of millions of OFWs across the Middle East and other regions, potentially affecting the livelihoods of millions of Filipino families dependent on remittances,” wika niya.

Sa ilalim ng resolusyon, hinihikayat ang pamahalaan na agad bumuo ng contingency plan na magsisilbing gabay kung paano maghahanda, kikilos, at babangon ang bansa sa gitna ng malalaking krisis gamit ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pakikilahok ng buong bansa.

Binigyang diin ni Cayetano na milyon-milyong OFW ang nakatalaga sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang mga rehiyong madalas maapektuhan ng tensyon sa pulitika at pag-uga ng ekonomiya.

Dahil dito, nagiging usaping pambansa aniya ang kanilang kaligtasan at kabuhayan lalo na kapag may krisis.

Ayon pa sa senador, makatutulong ang malinaw na contingency framework upang mas mabilis at maayos na makakilos ang mga ahensya ng pamahalaan kapag may krisis na makaaapekto sa mga Pilipino sa ibang bansa.

Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), umabot sa rekord na $35.63 bilyon ang kabuuang cash remittances ng OFWs noong 2025, patunay ng malaking ambag ng mga ito sa ekonomiya ng bansa.

Dahil dito, sinabi ni Cayetano na nararapat lamang na matiyak ng pamahalaan na may sapat na proteksyon at suporta ang mga Pilipinong nasa abroad sa panahon ng emerhensiya, kabilang na ang mga sitwasyong nangangailangan ng evacuation, repatriation, o tulong pinansyal.

“It highlights not just the gravity of the economic benefits that they selflessly bring to our nation, but also underscores the need for the State to reciprocate their sacrifices now more than ever, and protect them in times of crisis or uncertainty abroad,” wika niya.

Sinuportahan ng lahat ng senador ang panukala ni Cayetano at pormal na inaprubahan ng Senado ang nasabing resolusyon. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here