MANILA, Philippines – PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes ang turnover at inspeksyon ng “Learning Continuity Space (LCS)” sa Cebu bilang bahagi ng mga inisyatiba ng pamahalaan upang suportahan ang tuloy-tuloy na pagkatuto matapos ang lindol noong nakaraang taon.
Sinamahan si Pangulong Marcos ni Education Secretary Sonny Angara sa pag-inspeksyon ng “LCS” sa Marcelo B. Fernan-Polambato Elementary School sa Bogo City, Cebu, kasunod ng mapaminsalang lindol noong Setyembre 2025 sa lalawigan.
Pagdating sa paaralan, nakipag-ugnayan ang Pangulo sa mga estudyante at guro na nagsasagawa ng klase sa bagong tayong “LCS.”
Itinatag ang pasilidad upang matiyak na maipagpapatuloy ng mga mag-aaral ang kanilang pagkatuto kahit may mga kalamidad.
Ang mga modular classrooms, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P1.65 milyon bawat isa, ay idinisenyo upang maprotektahan ang mga estudyante at guro at kayang tumagal sa matitinding kondisyon. Bawat “LCS” ay maaaring maglaman ng 40 estudyante.
Itinayo gamit ang matibay na istrukturang bakal, ang “LCS” ay may solar power supply, koneksyon sa internet at may palikuran sa bawat yunit.
Ayon sa mga tagapagtaguyod nito, mahalaga ang Internet connectivity para sa digital learning ng mga bata at upang matiyak ang madaling pag-access sa iba pang online educational resources.
Bukod sa inspeksyon sa “LCS” sa Marcelo B. Fernan-Polambato Elementary School, pinangunahan din ni Pangulong Marcos ang rollout ng YAKAP at Kalinga Caravan sa kanyang pagbisita.
Layunin ng mga inisyatibang ito na suportahan ang tuloy-tuloy na pagkatuto at magbigay ng primary healthcare services sa mga estudyante, guro, at lokal na komunidad. KRIS JOSE