Home HOME BANNER STORY Gasolinahan pinagdiskitahan ng ACT sa tuloy-tuloy na taas-presyo sa produktong petrolyo

Gasolinahan pinagdiskitahan ng ACT sa tuloy-tuloy na taas-presyo sa produktong petrolyo

174
0

MANILA, Philippines — Nagprotesta ang mga guro at education workers kasama ang iba’t ibang sektor sa harap ng headquarters ng isang oil company nitong Lunes, Marso 16 upang kondenahin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Pinangunahan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pagkilos, kasama ang mga tsuper, commuter, magsasaka at mangingisda, bilang pagtutol sa sunod-sunod na oil price hike na umano’y nagpapabigat sa gastusin ng mga ordinaryong Pilipino.

Ayon sa grupo, lalong pinapalala ng pagtaas ng presyo ng langis ang krisis sa kabuhayan ng mga guro at education workers na matagal nang nahaharap sa mababang sahod at mataas na cost of living.

Sa naturang protesta, simbolikong naghagis ng itim na luwad ang mga demonstrador sa logo ng Petron bilang pagpapahayag ng galit sa umano’y pagsasamantala ng mga oil company sa kasalukuyang krisis.

Sinabi ng ACT na nagaganap ang panibagong oil price hike kahit inaamin mismo ng pamahalaan na may sapat pang suplay ng langis, kaya’t pinaniniwalaan nilang ang pagtaas ng presyo ay dulot ng speculative pricing at paghahangad ng tubo ng mga korporasyon.

“Kahit may sapat pang suplay ng langis, patuloy ang pagtaas ng presyo dahil sa deregulasyon ng industriya ng langis at sa kapangyarihan ng malalaking kumpanya na magtaas ng presyo ayon sa galaw ng pandaigdigang merkado,” pahayag ni ACT Chairperson Ruby Bernardo.

Ayon pa sa grupo, pinalala ng Oil Deregulation Law ang sitwasyon dahil tinanggal nito ang kontrol ng pamahalaan sa pagpepresyo ng langis at pinayagan ang mga pribadong kumpanya na magtakda ng presyo batay sa international market.

Iginiit din ng ACT na ginagamit umano ng mga oil company ang tensyon sa Middle East, partikular ang alitan sa pagitan ng US, Israel at Iran, upang higit pang itulak pataas ang presyo ng petrolyo.

Para sa mga guro, direktang epekto nito ang mas mataas na pamasahe, pagtaas ng presyo ng pagkain at pangunahing bilihin, at patuloy na pagliit ng halaga ng kanilang sahod.

Bagamat inihain ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posibilidad na bawasan ang excise tax sa langis, sinabi ng ACT na pansamantalang lunas lamang ito kung mananatili ang deregulated oil pricing system.

Nanawagan ang grupo ng agarang economic relief para sa mga guro at kawani ng pamahalaan, kabilang ang pagtaas ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA) mula P2,000 na hindi na nagbago mula pa noong 2009 tungo sa hindi bababa sa P5,000.

Iginiit din ng ACT ang matagal na nilang panawagan na itaas ang entry-level salary ng Teacher I sa P50,000 at P36,000 naman para sa ibang kawani ng gobyerno.

Binigyang-diin ng grupo na patuloy silang makikiisa sa iba’t ibang sektor upang manawagan ng pananagutan mula sa mga kumpanya ng langis at pamahalaan at magtulak ng mga polisiyang magpoprotekta sa mamamayan laban sa epekto ng pandaigdigang krisis sa langis. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here