MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamamahagi ng cash relief assistance na nagkakahalaga ng P5,000 para sa mga tricycle driver at operator sa Maynila, araw ng Martes, Marso 17, 2026.
Ayon sa Pangulo, dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado na nagresulta rin sa pagtaas ng presyo ng petroleum products, lalo na sa Metro Manila.
Dagdag pa ng Pangulong Marcos, ramdam ito ng mga driver at ng milyon-milyong Pilipinong araw-araw na umaasa sa pampublikong transportasyon.
Kasama ng Pangulo sa pamamahagi sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez, at Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso.
Sa kabuuan, 1,101 tricycle driver mula sa Districts IV at VI ang nakatanggap ng tig-P5,000 na tulong.
Tiniyak ng Pangulo na makatatanggap ang bawat tricycle driver ng cash assistance upang matulungan silang maipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay.
Tinatayang nasa 140,000 tricycle driver ang makikinabang sa naturang tulong.
Dagdag pa ng Pangulo, inihahanda na rin ang susunod na cash relief assistance para sa mga jeepney driver. Bukod dito, patuloy ang pakikipag-usap ng pamahalaan sa mga oil company para sa dahan-dahang taas-presyo at iba pang paraan upang mapagaan ang pasanin ng mamamayan.
Samantala, nagpasalamat si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isinagawang pamimigay ng ₱5,000 cash aid para sa mga tricycle driver sa Metro Manila, kasabay ng pagsirit ng presyo ng langis dahil sa tensyon sa Middle East.
Sinabi ni Yorme Isko na malaking ginhawa ito para sa mga tsuper na hirap sa taas-presyo ng gasolina.
“Napakalaking tulong nito sa ating mga driver para maibsan ang kanilang problema sa krudo,” ani Domagoso.
Dagdag pa niya, taos-puso ang pasasalamat ng mga Manileño, lalo na ng transport sector, sa tulong na ipinagkaloob ng Pangulo. (Kris Jose / JAY Reyes)