Home NATIONWIDE Wilberto Kwan Tiu, itinalaga bilang OIC ng BFP

Wilberto Kwan Tiu, itinalaga bilang OIC ng BFP

151
0

MANILA, Philippines – Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Fire Chief Supt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu bilang officer-in-charge (OIC) ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa gitna ng administrative at criminal complaints laban sa hepe nito.

Sa isang memorandum, may petsang Marso 16, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na agad magiging epektibo ang appointment “until a replacement is designated.”

Nauna rito, napaulat na nagsampa ng kasong kriminal at administratibo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban kay Bureau of Fire Protection (BFP) Chief Fire Director Jesus Fernandez kaugnay ng umano’y pagtanggap ng P14.7 million na kickback mula sa procurement ng mga ambulansiya noong 2024.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, inihain ang reklamo sa Office of the Ombudsman matapos umanong matuklasan ang aniya’y “systematic manipulation” sa bidding process para sa pagbili ng 132 ambulansiya ng BFP.

Batay sa imbestigasyon, si Fernandez umano ang chairperson ng BFP Bids and Awards Committee (BAC) nang isagawa ang procurement. Inakusahan siyang tumanggap ng pera mula sa isang supplier kapalit ng pagpanalo sa bidding.

Kabilang din sa pinangalanang akusado ang negosyanteng si Rosaverna Sangga ng Auto Zone Prime Distributors Inc., na sinasabing nagbigay ng pera kay Fernandez. Ayon sa mga imbestigador, tatlong beses umanong ibinigay ang pera sa pamamagitan ng mga maleta na naglalaman ng milyun-milyong piso.

Sinabi ng mga opisyal ng DILG na may testigo na personal na nakasaksi sa paghahanda at pag-abot ng umano’y “SOP” o kickback money sa opisyal ng BFP.

Dahil dito, nahaharap si Fernandez sa mga kasong direct bribery, malversation, conspiracy, at paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Mayroon din siyang kinakaharap na administratibong kaso tulad ng grave misconduct, serious dishonesty, at conduct prejudicial to the service.

Hiniling din ng DILG sa Ombudsman na pansamantalang suspendihin si Fernandez habang isinasagawa ang imbestigasyon upang matiyak ang integridad ng kaso. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here