MANILA, Philippines – Tinitingnan ng pamahalaan ang iba pang alternatibo sakaling magsara ang airspace ng United Arab Emirates (UAE) dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan, ayon sa Malacañang ngayong Martes.
Sa isang press briefing sa Mandaue City, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nagpapatuloy ang repatriation flights mula sa UAE.
“Sa UAE naman, posible pa rin ang pag-uwi sa pamamagitan ng eroplano ngunit nakahanda na rin ang pamahalaan para sa mga alternatibong ruta kung sakaling magsasara ang kanilang airspace,” wika ni Castro .
Binigyang-diin ni Castro ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa Gitnang Silangan.
“Nagtatrabaho ang Pangulo. Patuloy na inuuna ng pamahalaan ang kapakanan ng ating mga kababayan na naiipit sa gulo sa Gitnang Silangan hindi ang pansariling interes ng ilan,” dagdag pa ni Castro.
Ayon sa Department of Migrant Workers, mas marami pang OFWs o nasa 120 at kanilang mga dependent ang darating sa Huwebes.
“Ayon sa pinakabagong tala, umabot na sa 769 Overseas Filipino Workers at kanilang mga kaanak mula sa UAE, Israel, Qatar, Bahrain, Jordan at Lebanon ang nakauwi sa ilalim ng repatriation program ng pamahalaan. Inaasahan din na may karagdagang 120 OFWs at kanilang mga kaanak ang makakauwi sa Huwebes kung kaya’t maaaring umabot na sa 889 Filipinos ang makakauwi sa bansa,” ani Castro.
Samantala, dalawang charter flights ang naka-iskedyul ngayong linggo mula sa UAE at Saudi Arabia upang maiuwi ang mga Pilipino.
“Dahil sa pagsasara ng ilang airspace, kinakailangang dumaan sa land crossings ang mga OFW sa Israel, Kuwait at Bahrain papuntang Egypt or Saudi Arabia bago makasakay ng flight pauwi ng Pilipinas,” paliwanag ni Castro. (KRIS JOSE)