Home HOME BANNER STORY Panukalang nagbibigay kapangyarihan kay PBBM na suspendihin fuel excise tax, aprub sa...

Panukalang nagbibigay kapangyarihan kay PBBM na suspendihin fuel excise tax, aprub sa Senado

136
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado nitong Martes ang isang panukalang batas na magbibigay kapangyarihan sa Pangulo na suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa gitna ng tumataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Naipasa ang Senate Bill No. 1982 sa botong 17 pabor, walang tumutol, at walang nag-abstain.

Ayon kay sponsor Senator Pia Cayetano, dumaan ang panukala sa masusing talakayan, kabilang ang mga caucus at pagdinig, upang matiyak ang mga proteksiyon para sa mga konsyumer.

“Not just because it’s a certified measure, eh minadali po natin… we want to assure the public that we have taken time to really assess this… to ensure that the intended outcome for this bill eh talagang makinabang yung kababayan natin,” ani Cayetano.

Dagdag niya, pinalakas din ang mga probisyon sa reportorial requirements ng mga oil company upang matiyak na maipapasa sa mga mamimili ang pagbaba ng buwis sa pamamagitan ng mas mababang presyo sa mga gasolinahan.

Sa kanyang paliwanag ng boto, kinilala ni Senator Sherwin Gatchalian ang epekto nito sa kita ng pamahalaan ngunit sinabi niyang kinakailangang kumilos ang gobyerno upang maibsan ang pasanin ng mga konsyumer.

“Itong pagsuspinde ng excise tax ay hindi madali… tinataya pong PHP135 billion ang pwedeng mawala sa atin kung eight months po isususpinde… kaya ang gobyerno po, tayong lahat ay nagsasakripisyo para matulungan yung ating mga kababayan,” aniya.

Bumoto rin pabor si Senator Risa Hontiveros at sinabing makapagbibigay ito ng panandaliang ginhawa sa publiko ngunit kailangan pa ring samahan ng pangmatagalang solusyon.

“Yes sa agarang ginhawa, pero may panawagan para sa mas malalim at mas epektibong solusyon,” ayon kay Hontiveros.

Aniya, dapat itong sabayan ng supplemental budget at direktang subsidiya para sa mga sektor na apektado ng mataas na presyo ng langis tulad ng mga transport worker, magsasaka, at mangingisda. Binalaan din niya na maaaring maapektuhan ang pondo para sa mga serbisyong panlipunan gaya ng kalusugan at edukasyon dahil sa posibleng pagkawala ng kita ng pamahalaan.

Samantala, iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang mas maikling panahon para ma-trigger ang pagsuspinde o pagbabalik ng excise tax, kabilang ang dalawang linggong averaging period sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

“Ang two weeks na matitipid mo sa pagkarga ng gas, malaking bagay yan,” ani Lacson, na iginiit ang pangangailangan ng mas mabilis na ayuda sa gitna ng “extraordinary” na kondisyon sa pandaigdigang merkado.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang balansehin ang posibleng pagkawala ng kita, na tinatayang aabot sa hindi bababa sa P136 bilyon sa 2026 kapag ipinatupad ang suspensyon ng buwis. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here