MANILA, Philippines – Iginiit ng Malacañang na hindi kailangan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magdeklara ng state of national emergency upang payagan ang pamahalaan na pansamantalang mangasiwa sa operasyon ng industriya ng langis sa kabila ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo.
Sa isang press briefing sa Mandaue City, Cebu, tiniyak ni Palace Press Officer Claire Castro na nananatiling kontrolado ang sitwasyon at patuloy itong mino-monitor ng pamahalaan.
“Sa ngayon po ay wala pa po tayo sa ganong sitwasyon (At present, we are not yet in that kind of situation,” ani Castro nang tanungin hinggil sa panawagan na gamitin ng Pangulo ang emergency powers sa ilalim ng Republic Act (RA) 8479 o Oil Deregulation Law na namamahala sa industriya ng langis.
“Ang Pangulo po at ang gobyerno ay still under control. In control of the situation,” dagdag niya.
Ayon kay Castro, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Department of Energy (DOE) sa mga oil company upang bantayan ang suplay at galaw ng presyo sa merkado sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Naglabas ng pahayag si Castro matapos manawagan si Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Rep. at House Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza na pag-isipan ng Pangulo ang pagdedeklara ng national emergency upang payagan ang pansamantalang pagkuha ng pamahalaan sa operasyon ng mga kumpanya ng langis.
Binanggit ni Mendoza ang Section 14(e) ng RA 8479 na nagbibigay kapangyarihan sa DOE na pansamantalang mangasiwa o magdirekta sa operasyon ng mga entidad sa industriya ng langis sa panahon ng emergency.
Gayunman, sinabi ni Castro na hindi pa umaabot sa ganitong sitwasyon ang kasalukuyang kalagayan at hinikayat ang publiko na manatiling kalmado.
“Ang pakiusap lamang po natin sa ngayon dahil nasa sitwasyon tayong ganito, let us refrain from doing activities like fear mongering. Mas nakakadagdag po ito ng takot sa ating mga kababayan,” ani Castro.
Dagdag niya, pinag-aaralan ng administrasyon ang mga hakbang upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, kabilang ang posibleng pag-aayos sa buwis sa mga produktong petrolyo na kasalukuyang binubuo bilang panukalang batas para sa mga mambabatas.
Sinabi rin ni Castro na nasa Kongreso na ang usapin hinggil sa mga panukalang amyendahan o tuluyang ipawalang-bisa ang Oil Deregulation Law.
“Nasa Kongreso na po yan. Kung ano po ang kanilang nasasaloobin, kung ano ang nakikita nilang magiging maganda para sa ating bansa,” aniya. “Lahat po ng ikagaganda ng bansa hindi naman po tututulan ng Pangulo.” RNT