MANILA, Philippines — Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang tumaas na aktibidad sa dalawang aktibong bulkan sa bansa.
Sa Bulusan Volcano sa Sorsogon, naitala ang 90 na volcanic earthquakes mula hatinggabi hanggang tanghali, karamihan ay mahihinang volcano-tectonic events sanhi ng pagkabasag ng bato sa loob ng limang kilometro sa ilalim ng bulkan.
Nanatili sa background levels ang iba pang monitoring parameters tulad ng degassing activity, sulfur dioxide emissions, ground deformation, at thermal spring measurements.
Ayon sa Phivolcs, kadalasang nauuna ang phreatic eruptions sa Bulusan sa mga swarms ng volcanic earthquakes, tulad ng mga nangyari noong Abril 28–29, 2025 at Hunyo 5 at 12, 2022. “Given that this is the second swarm recorded this March 2026, the chances of a steam-driven or phreatic eruption occurring in the succeeding hours or days have significantly increased,” ani ahensya.
Nanatili sa Alert Level 0 ang Bulusan, na nangangahulugang walang inaasahang magmatic eruption sa kasalukuyan. Gayunpaman, pinayuhan ng Phivolcs ang publiko na iwasan ang apat na kilometro radius ng Permanent Danger Zone, lalo na sa mga vents sa timog-southeastern na bahagi, dahil sa posibilidad ng biglaang steam-driven o phreatic eruptions na maaaring magdulot ng pyroclastic density currents, ballistic projectiles, rockfall, avalanches, ashfall, at iba pang panganib.
Samantala, patuloy ang pagdaloy ng lava sa Mayon Volcano sa Albay sa ilalim ng Alert Level 3, na itinaas noong Enero 6. Iniulat ng Phivolcs na nakalabas na ang tinatayang 40 milyong cubic meters ng volcanic material, may 425 volcanic earthquakes at 396 rockfall events sa nakalipas na 24 oras. Naitala rin ang madalas ngunit panandaliang lava fountaining at minor Strombolian explosions.
“Months of continuous eruption have released large volumes of lava and gas, reducing the likelihood of a major destructive explosion,” ani Doreen Abelinde, officer in charge ng Mayon Observatory. Idinagdag niya na posibleng mangyari pa rin ang moderate blasts at maaaring magpatuloy ang lava flows hangga’t hindi barado ang volcanic conduit.
Tinatayang 21.47 milyong cubic meters ang total lava output, na maaaring dumoble kapag isinama ang lava collapse, pyroclastic density currents, at rockfall deposits.
Sa kabila ng aktibidad, tiniyak ng Phivolcs na matatag pa rin ang Mayon, na walang nakitang makabuluhang pagtaas ng presyon. Santi Celario