MANILA, Philippines – Inihayag ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Roberto Bernardo sa Sandiganbayan nitong Martes na nakatanggap umano siya ng P130 milyon mula kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co bilang “balato” o “token of gratitude.”
Ginawa ni Bernardo ang pahayag sa kanyang unang pagtestigo bilang state witness sa harap ng Sandiganbayan Sixth Division, kung saan nahaharap sa kasong malversation ang 16 katao kabilang ang ilang dating opisyal ng DPWH at si Co kaugnay ng umano’y substandard na proyekto sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Bernardo, ibinigay umano ni Co ang P100 milyon mula 2023 hanggang 2025 sa pamamagitan ni dating DPWH First District Engineering Office District Engineer Henry Alcantara, at isa pang P30 milyon sa kaparehong panahon sa pamamagitan ni dating DPWH Region 4B Regional Director Gerald Pacanan.
Tinanong ni Sandiganbayan Sixth Division chairperson at Associate Justice Sarah Fernandez si Bernardo kung ano ang layunin ng naturang “balato.”
“Your Honor, it was [a] token of gratitude for guaranteeing na maayos kausap si Engineer Alcantara,” ani Bernardo.
Nang tanungin naman ni Sandiganbayan Associate Justice Kevin Vivero kung kailan niya natanggap ang mga halaga, sinabi ni Bernardo, “I can tell that it’s [every] third quarter of every year.”
Aniya, ang P100 milyong ibinigay sa pamamagitan ni Alcantara ay nahati sa P40 milyon noong 2023, P40 milyon noong 2024, at P20 milyon noong 2025.
Samantala, ang P30 milyong ibinigay umano sa pamamagitan ni Pacanan ay hinati sa tig-P10 milyon kada taon mula 2023 hanggang 2025.
Nang tanungin kung paano niya natiyak na mula kay Co ang perang ibinigay sa pamamagitan ni Pacanan, sinabi ni Bernardo, “He (Pacanan) told me the balato came from Zaldy Co.”
Ang contractor ng P289 milyong proyektong sangkot sa kaso ay ang Sunwest Construction, isang kumpanyang itinatag ni Co. Gayunman, sinabi ni Bernardo na hindi niya alam kung ang P30 milyong ibinigay sa pamamagitan ni Pacanan ay nagmula sa naturang proyekto.
Kabilang si Pacanan sa mga akusado sa kasong malversation, habang si Alcantara ay kabilang na sa mga state witness sa mga kasong may kaugnayan sa flood control projects.
Ayon pa kay Bernardo, ang mga perang ibinigay umano ni Co sa pamamagitan nina Alcantara at Pacanan ay tinanggap ng kanyang mga aide at hindi niya personal na natanggap.
Itinanggi naman ni Co ang mga paratang na tumanggap siya ng bilyong pisong umano’y kickback mula sa mga proyekto ng pamahalaan sa flood control.
Samantala, sinabi ni Justice spokesperson Polo Martinez na hindi maaapektuhan ng testimonya ni Bernardo ang kanyang pagiging state witness sa imbestigasyon ng Department of Justice sa umano’y anomalya sa mga flood control project sa Bulacan.
“Hindi po siya affected. Wala pong crossover dito,” ani Martinez. RNT