Home NATIONWIDE P20 base fare sa TNVS ‘di sapat; P300 lang kita sa 18...

P20 base fare sa TNVS ‘di sapat; P300 lang kita sa 18 oras na biyahe – grupo

130
0

MANILA, Philippines – Hindi sapat ang P20 dagdag sa base fare ng transport network vehicle service (TNVS) upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East, ayon sa isang grupo ng mga driver nitong Miyerkules.

“Hindi po ito sasapat dahil sobra po ang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel,” pahayag ni Laban TNVS president Jun de Leon sa isang interbyu.

Ayon sa kanya, bahagyang ginhawa lamang ang dulot ng fare hike dahil patuloy na tumataas ang gastos sa operasyon. Aniya, may mga driver na umaabot lamang sa P300 ang kinikita matapos ang 18 oras na biyahe.

“Sa loob ng 18 hours na biyahe, P300 lang ang naiuwi ng ibang mga drivers,” aniya.

Dagdag pa niya, umaabot sa P500 ang nalulugi ng mga driver kada araw dahil sa mahal na gasolina, na direktang nakaapekto sa kanilang kita at badyet ng pamilya. Nagbabala rin siya na ang karagdagang taas-pasahe ay maaaring magpabawas ng mga pasaherong gagamit ng TNVS.

Ayon kay De Leon, hindi rin sapat ang P5,000 cash aid ng gobyerno dahil mabilis itong nauubos sa gastos sa krudo.

“Ang P5,000 po ngayon napakaliit na pera po ‘yan. Isang full tank ngayon umaabot siya ng 3,000,” aniya.

Upang makatulong, pinag-aaralan ng ilang operator ang pagbaba ng boundary mula P1,000–P1,100 hanggang P800–P900.

Gayunman, iginiit ni De Leon na kung walang mas konkretong tulong, mas marami pang driver ang maaaring tumigil sa operasyon.

Ayon sa kanya, halos 20% ng kanilang mga driver ang nagsauli na ng sasakyan dahil sa patuloy na pagkalugi.

“Sa amin lang po, talagang nagsasauli na po ng sasakyan, nagsu-surrender na ng sasakyan ‘yung mga driver gawa ng pagkalugi po ang kanilang nahahanap, hindi hanapbuhay,” aniya.

“Halos 20% ang nagsauli,” dagdag pa niya.

Patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, at ayon sa Department of Energy (DOE), maaaring umabot sa P114 kada litro ang diesel. Para sa Marso 17 hanggang 23, tumaas ang presyo ng diesel ng P20.40 hanggang P23.90 kada litro, gasolina ng P12.90 hanggang P16.60, at kerosene ng P6.90 hanggang P8.90.

Samantala, inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang taas-pasahe sa karamihan ng pampublikong sasakyan, kabilang ang P20 dagdag sa base fare ng TNVS, na inilarawan bilang isang “balancing act” upang mapanatili ang operasyon ng transport sector sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.

Hati ang mga transport group sa isyu, kung saan may ilan na nagsasabing kulang ang dagdag-pasahe habang ang iba ay sumusuporta sa hakbang. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here