ISABELA, Philippines – Sinampahan na ng kaso sa piskalya ang pangunahin umanong suspek matapos halos isang buwan mahigit ang nakaraan ng pagbabarilin patay si Lullete Jane D. Ramilo, dating Ms. Philippines Earth 2013 3rd Runner-up.
Naisampa na ang kasong murder laban sa isang indibidwal na sangkot sa karumal-dumal na insidente ng pamamaril na naganap bandang alas-sais ng gabi noong Pebrero 13, 2026 sa Brgy. Cabaritan, San Manuel, Isabela.
Kinilala ang isa sa mga suspek sa alyas na “Jay-R.” Naisampa na sa piskalya ang kasong murder laban sa kanya at kasalukuyang sumasailalim sa preliminary investigation.
Bilang bahagi ng masusing case build-up, pinagtibay rin ang ugnayan at koordinasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Office of the Provincial Prosecutor ng Isabela upang matiyak ang integridad ng mga ebidensya, ang wastong pagproseso ng mga dokumento, at ang agarang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga salarin.
Binigyang-diin ni PCol. Manuel Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office ang matatag na dedikasyon ng Isabela Police Provincial Office o IPPO sa paghahatid ng hustisya para sa mga kaanak ng biktima.
“Ang Isabela PPO ay nananatiling mapagmatyag, maagap, at walang kinikilingan sa pagtupad ng tungkulin—lahat ay isinasagawa para sa kapakanan ng sambayanan at sa matatag na paghahatid ng hustisya.”, dagdag na pahayag ni PCol. Bringas.
Resulta umano ng binuong Special Investigation Task Group (SITG RAMILO), bilang tugon sa nasabing krimen kasabay ng paglabas ng pabuya ng P150K mula kina Mayor Dondon Dy, 5th District Board Member King Dy at 5th District Cong. Mike Dy. (REY VELASCO)