Home TOP STORIES Higit P2.2B procurement ng learning materials sa BARMM, sinisilip ng COA

Higit P2.2B procurement ng learning materials sa BARMM, sinisilip ng COA

140
0

MANILA, Philippines – Sinisilip ngayon ng Commission on Audit (COA) Special Audit Team kung may posibleng iregularidad o paglabag sa umiiral na mga alituntunin sa procurement kaugnay ng pagbili ng learning materials na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Batay sa audit findings, ang naturang procurement ay isinagawa noong panahon ng panunungkulan ni Education Minister Mohagher Iqbal. Ayon sa ulat, sinusuri kung nasunod ang mga requirement ng procurement laws at iba pang kaugnay na regulasyon.

Isinagawa ang special fraud audit sa utos ni COA Chairman Gamaliel Cordoba noong Agosto ng nakaraang taon, matapos lumabas ang mga ulat at maisampa ang mga reklamo laban sa ilang opisyal ng MBHTE kaugnay ng hinihinalang maanomalyang paggamit ng pondo ng BARMM na umaabot sa P2,221,488,155.57.

Nakasaad sa ulat na ang unang transaksyon ay may kinalaman sa pagbabayad para sa mga textbooks para sa grade school na umabot umano sa P1,772,251,519.17. Ang ikalawa naman ay ang pagbabayad sa supplier na FEJA Non-Specialized Wholesale Trading para sa Learner’s and Teacher’s Kits na nagkakahalaga ng P449,236,636.20.

Ayon sa COA Special Audit Team, ang mga naturang transaksyon ay sinusuring mabuti kung nakasunod sa standard review process, procurement laws, at auditing procedures.

Sa isinagawang fraud investigation, sinabi ng audit team na may 73 disbursement vouchers (DVs) para sa procurement ng learning materials na umabot umano sa P2,247,023,709.80 na nabayaran batay sa certifications ng ilang opisyal at kawani ng MBHTE, sa kabila umano ng kakulangan ng ilang procurement documents na hinihingi sa ilalim ng Republic Act No. 9184 o Government Procurement Reform Act.

Nakasaad din sa ulat na ang mga naturang transaksyon ay na-certify umano ng hepe ng finance division, at naisagawa ang kabayaran sa supplier na may kaukulang pag-apruba ng minister o deputy minister.

Sa ulat ng Special Audit Team, sinabi na: “Due to the certifications made, the transactions were paid despite non-submission of the standard supporting documents, to the disadvantage of the government.”

Dagdag pa ng COA: “Failure to submit comments within the prescribed period shall constrain the SAT to finalize its findings based on the available records.”

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pinal na desisyon ang COA hinggil sa usapin, at nagpapatuloy pa ang special audit at paghingi ng panig ng mga kinauukulan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here