Home OPINION TAKOT NA TAKOT SILA KAY ‘PRESIDENT SARA’

TAKOT NA TAKOT SILA KAY ‘PRESIDENT SARA’

178
0

GAYA ng nauna na nating naisulat, isa lamang pulitika at hindi paghahanap ng hustisya ang pagpupumilit ng mga “buwayang mambabatas” na ma-Impeach si Vice President Sara Duterte.

Inaakala ng mga mambabatas na ito na kung mapatatalsik nila sa poder si VP Sara ay hindi na siya makatatakbo bilang Pangulo ng bansa sa darating na 2028 elections.

Pero para kay Representative Toby Tiangco ng Navotas, ang pagnanasa ng mga “buwaya niyang kabaro” na ma-Impeach si VP Sara ay kaugnay ng imbestigasyon sa iskandalo sa flood control.

Aniya, ang pagmamadali sa proseso para i-Impeach ang bise-presidente ay hindi nagmumula sa pagnanais para sa katarungang konstitusyonal. Ito ay mula sa namamayaning takot ng mga nandambong sa kabang bayan.

Ginagamit lang ng ilang “”pulitikal na aktor”” ang Impeachment upang matabunan ang pagkatuklas sa bilyon-bilyong pisong “ghost projects” at budget insertions sa loob ng Department of Public Works and Highways.

Ayon kay Tiangco, ang pangunahing motibasyon sa likod ng impeachment ay ang takot ng mga magnanakaw sa pananagutan hinggil sa isyu ng flood control.

Kinakasangkapan ng mga ito ang Impeachment bilang “smokescreen” upang ilihis ang tingin ng publiko sa kanilang mga kabulastugan.

Sa pamamagitan ng pagliligaw sa usapin tungo sa isang polarisadong labanan sa Impeachment, umaasa ang mga sangkot sa pandarambong sa flood control funds na makikipagnegosasyon sa kanila si VP Sara para iligtas sila sa mga posibleng kaharaping asunto kapag ang bise-presidente na ang naluklok na Pangulo ng bansa sa 2028.

E sino-sino ba ang mga nagsisikap sa Kamara na maisulong ang Impeachment kontra kay VP Sara?

Hindi ba’t sila-sila ang mga pinangalanan ng 18 brave soldiers na dinalhan ng male-maletang pera na mula sa pondo sana para sa paggawa ng imprastraktura na pangontra sa baha?

Napakakapal ng kanilang mga apog na sila pa ngayon ang nangunguna sa institusyon para sa isang proseso ng pananagutan habang sila naman itong mga nadadawit sa pinakamalaking korapsyon sa imprastraktura sa kasalukuyang kasaysayan.

Ang makasariling maniobrang ito sa pulitika ng mga kawatang mambabatas ang siyang tunay na kawalan ng hustisya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here