HINARANG ni Pangulong Bongbong Marcos ang taas-pasahe na dapat naging epektibo kahapon, batay sa desisyon ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and regulatory Board.
Sakop ng taas-pasahe ang mga jeepney, transportation network vehicle service, airport taxi at bus.
Pero alam ba ninyong tuloy ang paniningil ng taas-pasahe sa hanay ng mga provincial bus at maging ng mga barko?
Nasa P500 ang taas-pasahe ng mga provincial bus mula Manila hanggang Aparri o Laoag at hanggang Kabikulan o Visayas o Mindanao.
Ang mga kompanya ng barko, sinasabi ng DOTr na unregulated o hinahayaang magtakda ng pamasahe sa tao at kargada.
Ayon sa Pangulo, ginawa ang pagpigil ng taas-pasahe alang-alang sa mga mananakay sabay-sabing meron namang mga ayuda na ibinibigay na sa mga tsuper/operator ng mga pampasaherong sasakyan, lalo na ang mga jeepney at traysikel.
Kung masusunod sa Metro Manila ang harang, paano ang mga malayuang biyahe mula Manila o mula sa mga lalawigan?
Magbubunga kaya ito ng krisis sa transportasyon dahil sinasabi ng mga jeepney driver/operator na nalulugi na sila ng nasa P400 kada araw sa pagtaas presyo ng diesel/gasolina mula P64 sa ngayo’y nasa P110 kada litro ng diesel at nasa P90 ng gasolina.
‘Di kaya maging ganito rin sa parte ng mga kompanyang bus na maaaring itigil na rin nila ang taas-pasahe o magbabawas sila ng biyahe?
Anong mangyayari ngayon sa mga importanteng lakad ng mga mamamayan sa mga malayong lugar?
Paano ang napakalalaking taas-singil sa mga bus na pamprobinsya, papayag ba ang mga ito na isauli ang nasingil na nila?
Personal nating karanasan ito at ang iba pa na nagreserba ng mga biyahe patungong mga malayong lalawigan dahil sa Kuwaresma simula kamakalawa.
Mungkahi nating mamasyal ang mga taong DOTr at LTFRB sa mga istasyon ng mga bus at mag-imbestiga at maglagay ng paunawa na pwedeng mag-refund ang mga sinisingilan ng taas-pasahe.






