NAGKALOKO-LOKO na lahat sa mahal kong Pinas dahil sa kagagawan ng United States, kasama ang Israel, na pagbomba sa Iran na napilitan ding gumanti.
Dinaan ng US at Israel sa pagbomba at pagpatay sa mga pinakamatataas na opisyal ng Iran upang maangkin o makontrol nila ang gobyernong Iran at maangkin at makontrol din nila ang yamang langis ng huli na ikatlong pinakamalaki sa buong mundo.
Nagkamali ang US sa tantiya nitong makaraang mapatay si Iran Supreme Leader Ayatollah Khamenei at 40 matataas na Iranian official ay luluhod agad ang Iran sa loob ng 4-5 araw.
Ngayon, ika-21 nang araw simula ng pagpatay noong Pebrero 28, 2026 ngunit patuloy ang pagganti at pakikihamok ng Iran nang mabangis sa US at Israel, kasabay ng pagsasara ng Strait of Hormuz na daluyan ng langis patungo sa maraming bansa, kaama ang Pilipinas.
Walang nakaaalam kung kailan magwawakas ang digmaan na sumisira na sa ekonomiya ng maraming bansa, kasama ang Pilipinas.
Pangunahing nakasisira ang paglundag ng presyo ng mga produktong petrolyo mula noong Pebrero 28 na nasa P64 kada litro ng diesel sa P115 na ngayon at nasa P67 kada litro ng gasolina sa nasa P90 na.
Dito na nagtaasan ang presyo ng lahat ng bilihin sa kabila ng pagsasabi ng iba at ng gobyerno na wala pang pagtataas ng presyo, lalo na sa mga produktong gawang pabrika, kasama ang pagkain at iba pang batayang pangangailangan.
SIRA NA LAHAT
Sinasabi ni Pangulong Bongbong Marcos na normal lahat at walang dapat na mabahala.
Pero taliwas ito sa nararanasan ng mga mamamayan dahil nasisira na ang kabuhayan ng lahat.
Anak ng tokea, wala nang normal at lahat na nakababahala.
Bilang tugon, mamamahagi raw ang gobyerno ng 5 kilo kada buwan sa mahihirap at middle class na may buwanang sahod na P25,000-P150,000.
May ayuda na ring ipinamimigay sa mga traysikel driver/operator at jeepney driver/operator at susunod daw ang ibang mga driver sa ibang uri ng transportasyon.
Pero malinaw na hindi sapat ang mga ito bilang tugon sa napakalawak at sobrang krisis pang-ekonomiya.
Lalo’t hinarang ang taas-pasahe sa mga pampasaherong sasakyan, bukod lang ang mga barko at eroplano na kontrolado ng malalaking negosyante.
Puro balak din ang sagot sa pagpapababa ng presyo ng petrolyo sa bisa sana ng suspensyon o pagbabawas ng excise tax, maging ang pagbili ng dalawang milyong bariles ng langis upang hindi tayo at pagbabawas ng toll sa expressways.
Inutil din ang Departments of Agriculture at Industry and Trade sa pagpapababa ng presyo ng bigas, pagkain at iba pa.
Humihina na rin ang remittance ng mga overseas Filipino worker mula sa Middle East.
At uulitin natin, bakit hindi kasali ang laban sa korapsyon bilang panlaban sa krisis ngayon?
Wala ni sinoman, halimbawa, sa mga kongresman at senador ang nagsasabing bawasan nila ang kanilang mga insertion sa 2026 badyet at isama sa mga badyet na dapat ipamahagi sa lahat ng mamamayan dahil lahat na ay naaapektuhan nang masama.
Wala ring cabinet member o sinomang taga-Palasyo na nagsasabing magbawas sila ng kanilang mga insertion sa badyet o mga pribilehiyo para itulong sa mga naghihirap.
Karmahin sana kayo lahat!






